Pumatutsada si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla sa mag-inang sina Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste at Sen. Loren Legarda na napabalitang kamakailang umalis ng bansa.
Batay ito sa naging kumpirmasyon ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag nitong Biyernes, Agosto 7, 2026, na nakalipad daw paalis ng bansa sina Leviste at Legarda noong Linggo, Agosto 2.
Ani Matibag, positibo raw ang naging pag-alis nina Leviste at Legarda noong Linggo papuntang Hong Kong, ngunit France daw ang pinal na destinasyon ng mag-ina.
“Magkahiwalay. Si Leandro Leviste, umalis noong August 2 papuntang Hong Kong. Si senator naman po, umalis noong August 2 rin. Magkaiba po na flight via Hong Kong, pero ang final destination is France,” aniya.
KAUGNAY NA BALITA: Mag-inang Rep. Leviste, Sen. Legarda lumipad palabas ng bansa!
Sa naging pahayag naman ni Remulla sa ikinasa niyang press conference nito ring Biyernes, sinabi niyang tuloy-tuloy raw ang kanilang imbestigasyon kaugnay umano sa mga hinawakang eksklusibong kontrata ng Solar Philippines Power Project Holdings Inc. (SPPHI) na itinayo ni Leviste noong 2013, na siyang lubhang nakasira daw sa Republika ng Pilipinas.
“Tuloy-tuloy. Tuloy-tuloy ang investigation namin,” pagsisimula niya.
Diin ni Remulla, naniniwala raw silang hindi tatakasan nina Leviste at Legarda ang ikinakasa nilang preliminary investigation laban sa mga nabanggit.
“‘Yon ba tatakasan talaga nila? I don’t think tatakas sila. Babalik ‘yon. Naniniwala kami, babalik,” pagtitiyak niya.
Pahaging naman ni Remulla, baka raw gustuhing umuwi nang nakaposas nina Leviste at Legarda sakaling mapagdesisyunan ng mga ito na huwag bumalik ng Pilipinas.
“Baka gusto nilang umuwi nang nakaposas kapag hindi sila bumalik,” pagtatapos pa nila.
Samantala, matatandaan ding hindi dumalo si Leviste sa NBI noong Huwebes, Agosto 6, upang tumugon sa subpoena na inilabas ng ahensya kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa umano'y “honey trap” allegation na iniuugnay kay Executive Secretary (ES) Ralph Recto.
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Leviste, dedma sa subpoena ng NBI sa kaniya!
KAUGNAY NA BALITA: 'Malinaw na malinaw 'yong kaso!' Ombudsman, magkakasa ng imbestigasyon vs Rep. Leviste, Sen. Loren