Ibinahagi sa publiko ni Sen. Erwin Tulfo na inaasahan na raw niya ang posibilidad na mag-recant o bawiin ng ilang ex-soldiers ang kanilang mga sinabi at alegasyon sa joint affidavit.
Kaugnay ito sa inilabas na ulat ng ng isang TV news station noong Huwebes, Agosto 6, 2026, sa naging recant ng apat na dating miyembro ng grupo 18 ex-soldiers at inilahad nilang napasama lang umano sila sa naturang grupo sa layuning pangingikil sa mga itinuturing daw nilang tiwali sa gobyerno.
Anila, pinangakuan daw sila ng malaking halaga ng pera kapag naisakatuparan na ang naturang planong pangingikil sa ilang mga personalidad, kung saan inilaladlad din nila ang pangalan ng kanilang tumatayong abogado na si Atty. Levito “Levi” Baligod, dating mambabatas na si Mike Defensor, at Sen. Rodante Marcoleta.
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Baligod, 'naiintindihan' umano desisyong pagtiwalag ng 4 sa 18 ex-soldiers!
Sa naging pahayag ni Tulfo sa panayam sa kaniya ng media nitong Biyernes, Agosto 7, sinabi niyang alam na raw ng maraming tao na ginawa lang umano nila ang mga kuwentong nakasaad sa kanilang joint affidavit noon.
“Expected ko na ‘yon na magre-recant sila. Because talagang from the very start, alam naman po ng lahat ng tao na those stories that they're making up,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Dati, isang affidavit lang sila. Ngayon, talagang isa-isa silang gumawa ng affidavit nila.”
Pagpapatuloy ni Tulfo, baka raw nakonsensya ang apat na tumiwalag na ex-soldiers dahil sa umano’y hindi mga totoong sinasabi ng mga ito.
“Siguro po, nakonsensya din siguro. Kasi kung talagang totoo ‘yong sinasabi nila, hindi siguro ganoong kadaming demanda ang aabutin nila. Halos lahat ng binanggit nila, nagdemanda, e. Including myself,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang pormal na nagsampa ng kaso sa Mandaluyong Prosecutor’s Office si Tulfo noong Hulyo 8, 2026, laban kina Atty. Levito “Levi” Baligod, dating Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, Quezon City Councilor Ranulfo Ludovica, Atty. Virgilio Garcia, at dalawang lumitaw na ex-soldiers na nagngangalang sina Jeron Valderama at Bernard Gumban.
Isa kasi si Tulfo sa mga nabanggit na pangalan sa joint affidavit ng 18 ex-soldiers bilang nahatiran umano nila ng male-maletang pera noon batay sa dinaluhang pagdinig ng naturang grupo sa ikinasang Senate Blue Ribbon Committee meeting sa pangunguna nina Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Rodante Marcoleta noong Hunyo 4, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Erwin Tulfo, binakbakan ng kaso sina Atty. Baligod, Defensor, 4 na iba pa!
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Erwin vs 18 ex-Marines: 'Ako'y natutuwa, hindi ako naiinis. Matatawa ka na lang!'