Inihayag sa publiko ng tumatayong abogado ng 18 ex-soldiers na si Atty. Levito “Levi” Baligod na naiintindihan daw niya ang desisyong pagtiwalag ng apat na miyembro ng naturang grupo.
Sa naging pahayag ni Baligod sa panayam sa kaniya ng medi nitong Biyernes, Agosto 7, 2026, sinabi niyang nasabi naman daw niya noon ang mga payo niya sa apat na tumiwalag na miyembro ng 18 ex-soldiers.
“Nasabi ko na sa kanila ‘yong advice ko mula pa no’ng nagpapaalam sila na pagbibigyan nila ‘yong kabila at naintindihan ko ‘yong sitwasyon nila,” pagsisimula niya.
Diin naman ni Baligod, huwag lang daw sasabihin ng naturang mga tumiwalag na ex-soldiers na pinagkakitaan niya ang mga ito, may “scam” plot sila na gustong isagawa, tinakot sila, o pinangakuan ng malaking halaga ng pera kapalit ng pagbuo ng joint affidavit noon.
“Pero wag nilang sabihin na pinagkakakitaan ko sila, or meron kaming scam na gustong isagawa kaya ginawa nila itong affidavit, or pinilit o tinakot sila, or prinomisahan ko sila ng limpak-limpak na salapi,” paalala niya.
Ani Baligod, maliliwanagan pa raw ang publiko sa darating na Sabado, Agosto 8, dahil nagpaplano raw sila ng press conference sa pangunguna ng natirang 14 ex-soldiers.
Pagpapatuloy ni Baligod, wala raw siyang kahit anomang pangako sa 18 ex-soldiers noon magbibigay siya ng pera sa mga ito at idiniin niyang handa lang daw silang magtulungan sakali mang magkaproblema sa pamilya ang mga miyembro ng naturang grupo.
“Ang promise ko sa kanila ay magtulungan kami. Kung may problema sila sa pamilya ay magsabi sila para mapagtulungan. Palagay ko naman, sa ating mga Pilipino ay hindi masama ang nagtutulungan,” pagtatapos pa niya.
Sa kabila nito, inurong naman na ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV nito ring Biyernes ang kaniyang kaso laban sa apat na tumiwalag na ex-soldiers.
Ani Trillanes, nakikisimpatya raw siya, bilang isang sundalo, sa pagkawala ng kabuhayan at pananamantalang naranasan ng apat na ex-soldiers mula sa mga taong may maitim na politikal na layunin.
KAUGNAY NA BALITA: 'Pinagsamantalahan sila!' Trillanes, inurong kaso sa 4 na tumiwalag sa 18 ex-soldiers
KAUGNAY NA BALITA: 'More to come:' Trillanes, inispluk resolusyon ng DOJ sa kasong cyberliber, perjury vs Atty. Baligod atbp!