Agad na binawi ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV ang kaniyang kaso laban sa apat na tumiwalag sa grupo ng 18 ex-soldiers ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
Kaugnay ito sa inilabas na ulat ng GMA News noong Huwebes, Agosto 6, sa naging recant ng apat na dating miyembro ng grupo 18 ex-soldiers at inilahad nilang napasama lang umano sila sa naturang grupo sa layuning pangingikil sa mga itinuturing daw nilang tiwali sa gobyerno.
Anila, pinangakuan daw sila ng malaking halaga ng pera kapag naisakatuparan na ang naturang planong pangingikil sa ilang mga personalidad, kung saan inilaladlad din nila ang pangalan ng kanilang tumatayong abogado na si Atty. Levito “Levi” Baligod, dating mambabatas na si Mike Defensor, at Sen. Rodante Marcoleta.
Sa pahayag ni Trillanes sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Agosto 7, 2026, ipinabatid niya sa publikong sinabihan na raw niya ang kaniyang abogado na bawiin ang kaniyang mga kaso sa apat na miyembro ng naturang grupo.
“Kaugnay sa report ng GMA news ng pag-recant ng apat na ex-soldiers ng kanilang mga naunang affidavits at allegations laban sakin, sa ICC at sa iba pang mga personalidad,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “[S]inabihan ko na ang aking abogado na i-atras na ang mga kaso na isinampa ko laban sa kanilang apat.”
Ani Trillanes, nakikisimpatya raw siya, bilang isang sundalo, sa pagkawala ng kabuhayan at pananamantalang naranasan ng apat na ex-soldiers mula sa mga taong may maitim na politikal na layunin.
“Bilang dating sundalo, nagsisimpatya ako sa pinagdadaanan nila na dahil sa kawalan ng kabuhayan ay pinagsamantalahan sila ng mga taong may madilim na layuning political,” aniya.
Hiling ni Trillanes, may napulot daw sanang leksyon ang apat na tumiwalag sa “18 ex-soldiers” at umaasa siyang magbabago rin ang isip ng mga natitira pang indibidwal sa naturang grupo.
“Sana ay may natutunan silang mabigat na leksyon sa mga pangyayaring ito. Umaasa rin ako na maliliwanagan din ang iba pang ex-soldiers na hanggang ngayon ay nililinlang pa rin,” pagtatapos niya.
KAUGNAY NA BALITA: Trillanes, sinagot si VP Sara sa ‘ICC tuta’ isyu: 'Nahihibang na talaga!'
KAUGNAY NA BALITA: 'More to come:' Trillanes, inispluk resolusyon ng DOJ sa kasong cyberliber, perjury vs Atty. Baligod atbp!