Pumirma ang lahat ng senador sa inilabas nilang resolusyong tumatabla sa temporary restraining order TRO ng Pasig Regional Trial Court (RTC) na umaantala sa implementasyon ng ₱85 wage hike ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Matatandaang inilabas ng nasabing Korte ang naturang TRO noong Hulyo 30, 2026, upang pansamantalang masuspinde hanggang Agosto 13, 2026, ang ₱85 minimum wage hike sa Metro Manila, sanhi ng petisyong isinumite ng ilang mga construction companies.
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Renee Co sa naunsyaming ₱85 wage hike: 'Barya-barya na nga, iaatras pa!'
Sa Proposed Senate Resolution No. 577 ng Senado na nakapetsa noong Martes, Agosto 4, mababasang idiniin ng mga senador na apektado raw ang mahigit 1.1 milyong manggagawa sa NCR dahil lang sa petisyon ng ilang mga umaalmang mga grupo.
Dagdag pa nila, “[T]he TRO sets a dangerous precedent, where the wages of millions of workers, who live paycheck to paycheck, are allowed to be held in abeyance because of the opposition of a few.”
Anila, mariin daw nilang hinihimok ang Branch 152 ng Pasig RTC na mabilis na bawiin ang TRO nila kaugnay sa suspensyon ng implementasyon ng naturang wage hike.
“[T]he Senate strongly urges Branch 152 of the Regional Trial Court of Pasig to immediately lift the TRO issued on the implementation of Wage Order No. NCR-27 or P85 minimum wage increase in NCR and allow Art. 126 of the Labor Code as amended by RA 6727 to prevail,” diin nila.
Pagpapatuloy nila, naninindigan daw ang Senado para sa panig ng Department of Labor and Employment (DOLE), National Wages and Productivity Commission, Regional Tripartite Wages and Productivity Board, at sa milyon-milyon daw na mga manggagawa sa buong Pilipinas.
Samantala, tanging sina Sen. Rodante Marcoleta, Sen. Jinggoy Estrada, at Sen. Ronald “Bato” dela Rosa lang ang makikitang hindi nakapirma sa naturang resolusyon.
Habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag o tugon ang Pasig RTC kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Gov't contractor, isa umano sa mga humirit ng TRO para maunsyami ang ₱85 wage hike
KAUGNAY NA BALITA: 'Your government will not abandon you!' ₱85 na wage hike, tiniyak ni Sec. Tolentino!