Bumuwelta si Kabataan Party-list Rep. Renee Co kaugnay sa naantalang implementasyon ng ₱85 wage hike ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Matatandaang naglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Pasig Regional Trial Court noong Huwebes, Hulyo 30, 2026, upang pansamantalang masuspinde hanggang Agosto 13, 2026, ang ₱85 minimum wage hike sa Metro Manila, sanhi ng petisyong isinumite ng ilang mga construction companies.
Sa naging ni Co sa panayam sa kaniya ng media nitong Biyernes, Hulyo 31, sinabi niyang insulto raw ang pagsuspinde sa wage hike para sa mga manggagawa.
Aniya, barya-barya na nga lang ang inaprubahan ng gobyerno para sa panawagan ng mga manggagawa at iaatras pa raw ito.
“Insulto po ito sa lahat ng mga manggagawang Pilipino na barya-barya na nga ‘yong binigay para doon sa panawagan nila ay iaatras pa,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Kung maaalala natin, ‘di ba ang gusto natin, nakabubuhay ng sahod, ₱1,200. ₱1,300 na nga siya ngayon dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.”
Saad ni Co, layunin na nga raw noon sa Komite sa Kamara na itaas sa ₱200 ang minimum wage hike sa buong bansa ngunit NCR lang daw napayagan at iaatras pa ang “baryang” dagdag-sahod na ito.
“Tapos noong nag-uusap tayo sa Komite, may ilang mga grupo na nagsasabi na, ‘Sige, basta ₱200 ang pagtaas sa buong bansa, puwedeng simulan doon.’ Ngayon NCR lang ‘yong pinagbigyan at iaatras pa,” ‘ika niya.
Pagpapatuloy ni Co, tila wala na raw panghahawakan ang mga manggagawa sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at malinaw raw na patuloy raw na hindi inaalagaan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sektor ng mga manggagawa.
“Kung tuloy-tuloy ang paghihirap, makikita natin na patuloy-tuloy na hindi inaalagaan ng gobyerno, partikular ng Marcos Jr. administration ‘yong mga kapakanan ng ating mga manggagawang Pilipino,” pagtatapos pa niya.
Samantala, naglabas din pagkadismaya si ACT Party-list Rep. Antonio Tinio lalo na raw dahil kakatapos lang ng State of the Nation Address (SONA) ni PBBM at mimsong Korte na raw ang nanghimasok sa naturang isyu.
“Dismayado tayo na pagkatapos ng SONA ng Presidente ay binawi kaagad ‘yong wage hike na kapos pa nga para sa mga manggagawa ng NCR. Lalo pa na in this case, Korte pa ang nanghimasok at nag-rule na pigilan ang wage hike,” ani Tinio.
KAUGNAY NA BALITA: ₱85 wage hike sa NCR walang suspensyon, tuloy-tuloy—Palasyo