Inilahad sa publiko ni House Lead Prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro ang posibilidad kung matutuloy nga ba ang pagpapatawag sa nakalista nilang testigo sa panig ng prosecution panel na si “Mary Grace Piattos.”
Matatandaang ang pangalang “Mary Grace Piattos” ang isa sa mga kontrobersyal na nakatakda umanong tatayo bilang testigo ng prosecution team para sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Kasama kasi ang naturang pangalan sa listahan ng mga resibong isinumite ng Office of the Vice President (OVP) noon sa Commission on Audit (COA) para sa liquidation nila sa maanomalyang ₱125 milyong na confidential funds na naubos umano sa loob umano ng 11 na araw noong Disyembre 2022.
KAUGNAY NA BALITA: Pagiging totoo o 'di totoo ni 'Mary Grace Piattos,' smoking gun sa impeachment—Ridon
Sa naging pahayag ni Luistro sa panayam sa kaniya ng media nitong Martes, Agosto 4, 2026, nilinaw niyang kasama raw talaga sa listahan ng kanilang mga testigo si “Mary Grace Piattos.”
Aniya, depende raw sa magiging takbo ng impeachment trial kung aktuwal nilang maiprepresinta si “Mary Grace Piattos” laban kay Vice President Sara Duterte.
‘“First of all, I wish to make it clear, kasama sa listahan ng testigo si Mary Grace Piattos. Just like the other witnesses, as to whether or not they will be presented, depende sa magiging propers ng trial,” pagsisimula niya.
Paliwanag ni Luistro, maaari naman daw na pagplanuhan nilang muli ang pangangailangang maiharap sa witness deck si “Mary Grace Piattos” kung malalahad naman na umano ng iba pa nilang pangunahing testigo ang mga maaaring maging testimonya ng huli.
Pagpapatuloy niya, ayaw niya raw pangunahan ang desisyon ng prosecution panel ngunit idiniin niyang kasama rin daw sa listahan ng kanilang mga testigo ang Philippine Statistics Authority (PSA) at nirerespeto umano nila ang nauna nang naging pahayag nito na wala silang tala ng pangalan o pagkakakilanlan ni “Mary Grace Piattos.”
“I do not want to preempt the decision of the impeachment team pero PSA is one of our witnesses. And we understand na nailatag nila ‘yan sa Justice Committee saying that wala sa database nila,” saad niya.
“It depends on the development of the trial kung itutuloy natin ‘yong presentation ni Mary Grace Piattos,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Patty Ting, Mico Harina, Andy Lim at iba pa, pirmado sa resibo ng OVP!
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Kapunan sa susunod na trial: 'Magdala kayo ng piattos, ensaymada!'