August 04, 2026

Home BALITA National

Subpoena kina Rep. Leviste, Ex-Cong. Paras, naipadala na—Matibag

Subpoena kina Rep. Leviste, Ex-Cong. Paras, naipadala na—Matibag
Photo courtesy: MB, Jing Paras (FB)

Nakapagpadala na ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) para kina Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste at dating Negros Oriental Rep. Jing Paras. 

Kaugnay ito sa naging pagkakadawit ng pangalan nina Leviste at Paras sa character assassination o sex scandal plot umano laban kay Executive Secretary Ralph Recto. 

Nag-ugat ito nang matiklo ng NBI sa isang entrapment operation ang talent manager na si Lito de Guzman at lima pang mga babae. 

Pinuga umano ni De Guzman sa NBI na nakipag-ugnayan sa kaniya si Paras upang kumuha ng mga babae at gumawa ng fabricate statement kung saan pinuwersa umano silang makipagtalik at gumamit ng ipinagbabawal na gamot.

KAUGNAY NA BALITA: Rep. Leviste, ex-Cong. Paras lagot sa NBI ugnay umano sa 'sex scandal plot' vs ES Recto!

National

Nasa'n ang Bato? Manhunt kay Sen. Dela Rosa, patuloy giit ni NBI Dir. Matibag!

Sa naging pahayag naman ni NBI Director Atty. Melvin Matibag sa panayam sa kaniya ng isang TV news station nitong Martes, Agosto 4, 2026, sinabi niyang natanggap na raw nina Leviste at Paras noong Lunes, Agosto 3 ang subpoena ng NBI para sa kanila. 

“Natanggap na kahapon, naipadala na natin. Na sa Huwebes, sila ay iniimbitahan. Si Congressman Leviste at si dating Congressman Jing Paras,” pagsisimula niya. 

Hiling ni Matibag, mas maganda raw na humarap sina Leviste at Paras sa NBI nang personal dahil mahirap umano kung sa social media lang nila itatanggi ang mga paratang laban sa kanila.

“Pakiusap ko sana, total sinasabi naman nila wala silang kinalaman, itinatanggi nila, mahirap naman po sa social media lang tayo nagde-deny ng ganiyan,” aniya. 

Pagpapatuloy pa ni Matibag, kung kaibigan daw talaga ang turing ng mga nabanggit sa NBI at sa kaniya, dapat daw na makipagtulungan ang mga ito sa kanila para maayos ang naturang isyu. 

“Mas maganda kung pupunta po rito at wala namang kailangang ikatakot. Dahil sabi nga, kaibigan natin, ay magkaroon po ng paglilinaw at matulungan tayo sa usapin na ito,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon sina Leviste at Para kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Gawang Recto lang!' Rep. Leviste, bumanat sa alegasyon sa kaniya sa scandal umano ni ES Recto!

KAUGNAY NA BALITA: 'Malinaw na malinaw 'yong kaso!' Ombudsman, magkakasa ng imbestigasyon vs Rep. Leviste, Sen. Loren