Pinatutsadahan ni Batangas 1st district Rep. Leandro Leviste si National Bureau of Investigation (NBI) Dir. Melvin Matibag hinggil sa alegasyong nag-uugnay sa mambabatas sa kumakalat na umano’y frame-up scandal laban kay Executive Secretary Ralph Recto.
Sa isang Facebook post nitong Lunes, Agosto 3, 2026, nilapag ni Leviste ang isang screenshot ng noo'y text message umano sa kaniya ni Matibag, na siyang patunay ng kanilang magandang samahan noon.
"Congrats, Cong. Lian! I’m so proud of you. I hope I get to live long enough to see you one day leading our country. It’s such an honor to know you. God bless you always!" saad ng text message.
Kaugnay nito, iginiit naman ni Leviste na nananatili raw na mataas ang respeto niya kay Matibag dahil sa naging magandang samahan ng pamilya nila.
"Maraming beses tayong nag-usap at marami kang ibinahagi sa akin. Dahil sa respeto, hindi pa ako nakapag-post tungkol sa iyo kahit madalas kang nasa balita," anang mambabatas.
Sa naturang caption din idinaan ni Leviste ang kaniyang pahayag hinggil sa alegasyong iniuugnay sa kaniya, bilang isa sa mga umano'y mastermind ng tangkang frame-up scandal kay Recto.
"Sasabihin ko na lang na, 'Dahil kilala mo ako, alam mong hindi ako sinungaling, at totoo ang sinasabi kong “Gawang Recto” lang ang kwentong ito,'" paliwanag ni Leviste.
Tahasan din niyang iginiit nas inutusan lamang umano si Matibag upang idiiin siya sa nasabing espekulasyon.
"Alam kong inutusan ka lang, kaya pinapatawad kita. At kahit mawala na ang mga taong nasa paligid mo ngayon, pagdating ng 2028, pwede pa rin tayong magkwentuhan tulad ng dati," giit pa ni Leviste.
Matatandaang kamakailan lang nang pumutok sa mga balita ang isinagawang entrapment operation ng NBI sa isang talent manager at limang mga babae kung saan ikinanta ang pangalan ni Leviste at ex-Negros Oriental Rep. Jing Paras na pawang nasa likod ng character assassination sa pamamagitan ng framed-up sex scandal laban kay Recto.
“Base sa kuwento noong iniimbestigahan, sasabihin daw na Executive Secretary, kumukuha doon sa bugaw na ito at pinipilit silang mag-drugs. Tapos pinipilit silang magkaroon ng sexual activities,” ani NBI Director Matibag sa panayam sa kaniya ng media noong Biyernes, Hulyo 31, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Leviste, ex-Cong. Paras lagot sa NBI ugnay umano sa 'sex scandal plot' vs ES Recto!