Nagkomento si award-winning Kapuso broadcast journalist Kara David sa mga usaping kaugnay sa kamakailang naging pagka-tie nila ni Kapamilya star-social media personality Ivana Alawi sa kauna-unahang FAMAS Broadcast Arts Awards 2026.
Matatandaang parehong pinarangalan sina Kara at Ivana ng titulong “Best Host for Public Service” award ng FAMAS sa idinaos nitong awarding ceremony sa The Manila Hotel noong Hulyo 20, 2026.
Bukod sa pagiging best host, kinilala rin ang vlog ni Ivana na “Ivana For All” bilang “Best Public Service Show.”
Habang nakuha naman ni Kara ang parangal para sa “Embalsamador de Motor” ng I-Witness at “Best Public Affairs Talk Show” para sa I-Listen.
KAUGNAY NA BALITA: Ivana Alawi, Kara David nag-tie sa FAMAS bilang best host for public service
Sa inupload naman na episode ng Fast Talk with Boy Abunda sa YouTube channel ng GMA Network noong Miyerkules, Hulyo 29, inurirat ng host na si Tito Boy si Kara kaugnay sa naging impresyon umano ng publiko sa pagiging tie nila ni Ivana, at kahilingan ng marami na dapat daw na hiniwalay ang parangal para sa online content creator at mainstream journalist.
“Nag-tie kayo ni Ivanna, maingay ito. May mga nagsasabi halimbawa na dapat hiwalay ang online content creator at ang mainstream journalist, at marami pang iba,” intriga ni Tito Boy.
Tugon ni Kara, nirerespeto at natutuwa raw siya sa iba’t ibang mga platapormang nagbibigay oportunidad upang makapagkuwento at makatulong sa iba.
“Ako, nirerespeto ko ‘yong iba’t ibang platforms. Nirerespeto ko at natutuwa ako na maraming iba’t ibang tao na gumagamit ng kapangyarihan ng storytelling para makatulong sa iba,” pagsisimula niya.
Ani Kara, naiintindihan daw niyang magkaiba sila ng platform ni Ivana sa paraan ng kanilang pagkukuwento at pagseserbisyo sa publiko.
Ngunit giit niya, sana raw ay nagseserbisyo ang mga tao sa publiko hindi lang para sa kanilang sariling interes.
“I acknowledge na iba-iba tayo ng platform. So iba ‘yong platform ni Ivana, iba ‘yong platform ko, iba ‘yong platform ng iba’t ibang tao,” saad niya.
“Sana lang, ‘pag nag-public service talaga tayo, it’s really for the public, not for ourselves,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Pagtambak ng basura sa lupain ng mga Ayta, pinaalingasaw ni Kara David!
KAUGNAY NA BALITA: Palag kay Boss Toyo? Kara David, iginiit na higit 1 buwang sinaliksik dumpsite issue sa Subic