Usap-usapan ang naging tuwiran at direktang paglilinaw ng award-winning journalist at documentarist na si Kara David tungkol sa dokumentaryo niya sa lugar ng mga Ayta sa Subic na sinasabing ginawang ilegal na dumpsite.
Matatandaang ang pamagat ng nabanggit na dokumentaryo ay "Ibinasurang Paraiso" na iniere ng award-winnning documentary program ng GMA Network, na "I-Witness."
Tungkol ang dokumentaryo sa lupain ng mga Ayta sa Subic, Zambales na tinambakan daw ng mga basura at ginawang dumpsite.
"Matagal nang tahanan ng mga katutubong Ayta ang kagubatan ng Sitio Tibag sa Subic, Zambales. Dito sila nagtatanim, kumukuha ng pagkain at tubig, at namumuhay nang nakaasa sa kalikasan," mababasa sa post ng I-Witness sa kanilang social media account.
"Pero noong 2019, ang bahagi ng kanilang lupang ninuno ay ginawang tambakan ng basura. At hanggang ngayon, nananatili pa rin ang tone-toneladang basura sa kanilang komunidad," anila pa.
Ayon pa sa dokumentaryo, 2022 nang matuklasan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang operasyon ng dumpsite at inatasan ang lokal na pamahalaan na itigil ito dahil sa paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act.
Gayunpaman, tumagal pa umano ang operasyon nang tatlong taon bago ito tuluyang naisara nitong Marso 2026.
Anila pa, kahit itinigil na ang operasyon ng dumpsite, nananatili pa rin ang tone-toneladang basura sa lugar, na patuloy na nag-iiwan ng bakas ng pinsala sa komunidad at sa kalikasan.
Marami ang pumuri sa batikang journalist at dokumentarista dahil nagawa raw nitong maipakita ang kalagayan ng indigenous people gaya ng mga Ayta.
Maki-Balita: Pagtambak ng basura sa lupain ng mga Ayta, pinaalingasaw ni Kara David!
Samantala, noong Hulyo 18, sinabi ni Boss Toyo sa kaniyang Facebook post na nakarating siya sa nabanggit na dumpsite kasama ang mga Aeta at sinabi niyang "ground zero" ito at wala raw siyang nalanghap na masangsang na amoy mula sa mga basura.
"Masuwerte kaming pinayagan at nakarating kami sa ground zero ng Subic dumpsite kasama ang mga katutubong Aeta na nakatira sa paanan ng dumpsite," aniya.
"Nagulat ako dahil wala akong naamoy na masangsang na amoy. Tinanong ko sila kung normal ba iyon, at sinabi nilang wala raw talagang mabahong amoy—kahit mga langaw ay halos wala."
"Tinanong ko rin kung saan sila nakatira. Itinuro nila ang kanilang komunidad sa ibaba ng bundok. Wala nang ibang kabahayan sa paligid at kailangan pang bumiyahe ng humigit-kumulang 7 kilometro bago makarating sa susunod na lugar.
"Nalaman ko rin na pribadong tao na ang may-ari ng lupang ito."
"Gayunpaman, nakakalungkot pa rin isipin na ang mga basurang narito ay nagmula sa ating mga lungsod. Dahil wala nang sapat na mapaglagyan ng basura sa mga siyudad, nauuwi itong dinadala sa mga liblib at malalayong lugar. Ayon din sa mga impormasyong nakalap ko, segregated na ang mga basurang narito at karamihan ay mga hindi nabubulok na plastik," aniya pa.
May hamon din si Boss Toyo sa mga taga-lungsod na limitahan o bawasan na ang paggamit ng mga patapong plastic.
"Kaya sana, tayong mga nakatira sa siyudad ay magsimulang bawasan ang paggamit ng mga single-use at non-recyclable plastic. Hindi lang ito tungkol sa tamang pagtatapon ng basura, kundi sa pagbabawas ng basurang nalilikha natin araw-araw.
Dahil ang tunay na tanong ay: Saan nga ba talaga mapupunta ang lahat ng basurang galing sa ating mga siyudad?"
"Hindi lang mga LGU o ang DENR ang dapat nating sisihin. Bilang mga mamamayan, may pananagutan din tayo. Hangga't patuloy tayong gumagamit ng mga plastik at iba pang materyales na hindi madaling mabulok nang walang pag-iingat, patuloy ding lalaki ang problemang ito. Ang pagbabago ay nagsisimula sa bawat isa sa atin," aniya.
Dahil dito, marami sa mga netizen ang nagbigay ng alegasyong tila kinokontra nito ang nauna nang ipinakita sa dokumentaryo ni Kara David. May mga nag-akusa pa kay Kara at GMA Network na biased daw ang pagsasadokumentaryo ng kalagayan ng lugar ng mga Ayta, at baka ginamit lang daw sa "content" at "political agenda."
Isang nagngangalang "Boss Seth" ang nagtimbang sa ipinakita ni Kara versus sa ipinakita ni Boss Toyo.
"sa documentary ni Ms. kara david sinabi doon na may nakatira malapit sa dump site, at may mabahong amoy/masang-sang na amoy lalo nung umulan," aniya.
"vs sa post ni boss toyo wala raw masangsang na amoy at wala rin daw langaw, at yung mga katutubo ay nasa paahanan ng bundok naka tira."
"pero nakakabahala yung comments at caption sa mga shared post ni boss toyo na biased at political attack yung documentary ni ms. kara david. at ang mas nakaka gulat pribado na di umano yung may ari nung lupang pinag tatayuan ng dump site."
Giit din niya, "balanse ang documentary ni Ms. Kara David may side ng DENR, may side ng mga katutubo, may side din ng LGU. at hindi lang isang araw ginawa yung documentary na parang SDE (same day edit)."
Sa comment section, tuwiran at diretsahang sumagot dito si Kara, sa pamamagitan ng kaniyang verified Facebook account.
"Salamat po sir at sa lahat po ng nagkokomento. Mahigit isang buwan po naming sinaliksik ang isyung ito. DENR mismo ang nagpasara sa dumpsite dahil ito ay declared illegal. NCIP mismo ang nagsabi, na ito ay ancestral land (not owned by a private individual). Nag-interview kami ng mga Ayta at pinuntahan ang mga bahay nila. At para patas, kinuha din namin ang panig ng mayor’s office. Malinaw na may paglabag sa batas at sinabi ng mayor’s office, we accept accountability.
"Napanood n’yo naman siguro. Kayo na lang po ang humusga. Salamat po," aniya pa.
Photo courtesy: Screenshot from Kara David (FB)
Dahil dito, naglabas ng kaniyang apology si Boss Toyo tungkol sa nauna niyang naratibo tungkol dito.
"Gusto ko lng humingi ng pasensya sa aking naratibo sa pagbisita ko sa dumpsite sa subic. Parehas niyo ayaw ko din makita ang ating kabundukan na maging tapunan ng basura. kaya nga po ako nagpunta dun agad dahil para makita ang kalagayan nila. pero ayon sa mga kagawad sa baba ng dumpsite walang komunidad na lumikas o nawalan ng tirahan dun," aniya.
"me amoy o wala me komunidad o wala me langaw o wala pasensya po sa lahat."
"gusto ko din lang mamulat tayo na sa atin din galing ang mga basura na yan. sa siyudad na wla ng mapglagyan."
"kung hindi tayo magkakadisiplina tanggapin man natin o hindi darating ang araw na talagang marami pang dumpsite na katulad neto ang makikita natin."
"muli pasensya po sa lahat wla po akong planong makipagtalo o argumento lalo na po sa mga trolls."
Paglilinaw pa niya, "ang aking naratibo ay ang aking naabutan sa dumpsite at ang iba na kasagutan ay mismo sa mga namamahala at mga kagawad sa komunidad sa malapit sa dumpsite. walang sobra wlang kulang."
"pasensya po sa lahat. pasensiya po kung iba po ang naging punto ko sa punto niyo. pasensiya po wla po akong pinagttangol sinabi ko lng po ang aking naabutan sa dumpsite walang labis at wlang kulang."
"yung mga galit niyo at mga trolls mas maigi na simulan niyo ng huwag gumamit ng mga plastic at non recycleable materials upang hindi na makadagdag sa basura," aniya pa.
Bilang pahabol, nagpasalamat din siya kay Kara dahil sa naging dokumentaryo ng huli tungkol sa lugar, na naging tulay raw para makita ang kalagayan ng mga katutubo sa Subic.
"magpasalamat tayo ke maam kara at nakita natin ang ganito. at dpat matuto tayo lalo ma sa paggamit ng mga non recyclable materials dahil tayo mga msa baba ang dahilan bakit me mga ganyan dame ng basura. ilan bundok pa ang ating iintayin kaya tayo msmo dapat matuto.." aniya.