Humamig na agad ng daang libong views ang panibagong documentary ng "I-Witness" host na si Kara David na may pamagat na "Ibinasurang Paraiso," na agad namang naging paksa ng usapan at diskusyunan sa social media, dahil sa isyung tinalakay nito.
Tungkol ang dokumentaryo sa lupain ng mga Ayta sa Subic, Zambales na tinambakan daw ng mga basura at ginawang dumpsite.
"Matagal nang tahanan ng mga katutubong Ayta ang kagubatan ng Sitio Tibag sa Subic, Zambales. Dito sila nagtatanim, kumukuha ng pagkain at tubig, at namumuhay nang nakaasa sa kalikasan," mababasa sa post ng I-Witness sa kanilang social media account.
"Pero noong 2019, ang bahagi ng kanilang lupang ninuno ay ginawang tambakan ng basura. At hanggang ngayon, nananatili pa rin ang tone-toneladang basura sa kanilang komunidad," anila pa.
Hindi naman naiwasan ni Kara na madismaya nang makita ang mga basurang nakakalat sa paligid ng kagubatan, na nilalangaw na rin.
Batay sa naging panayam ni Kara sa isa sa mga residente ng lugar na si Erlinda Capistrano, noon daw ay malinis pa ang lugar subalit tinambakan na raw ito nang tinambakan ng basura.
"Parang nagagalit po na hindi ko po maintindihan ang sarili ko po. Naawa din po ako sa lugar. Bakit ginanito po nila?" napatanong na lamang na saad ni Erlinda kay Kara.
"Masakit po sa damdamin," saad pa niya. "Napakasakit po."
Ipinakita pa ni Erlinda na ang ginawang tambakan ng basura ay kagaya ng mga luntiang kabundukang natatanaw nila sa malayo, na punumpuno pa ng mga puno.
"Itong lugar na ito, bangin daw ito dati. Pero ngayon halos napatag na ‘yung lupa kasi tinambakan nila nang tinambakan nang tinambakan ng basura," aniya pa.
Bihira na raw magpunta sa nabanggit na lugar si Erlinda dahil sa masangsang na amoy na nagmumula sa mga basurang itinambak doon.
Ibinahagi rin ng ilang mga katutubo ang unang araw na nagpunta sa kanilang lugar ang mga "tagapatag" dala-dala ang malalaking trak. Nagtaka raw sila kung bakit bigla na lang daw pinatag ang bahagi ng kabundukan kung saan matatagpuan ang kanilang gasakan. Sinabi raw sa kanila na pagagandahin daw ang lugar na iyon.
Nang maipatag na raw iyon, doon na nila nakita ang pagdating pa ng iba pang mga trak na naglalaman naman ng mga basura.
Ayon pa sa mga katutubo, ipinatawag daw sila ni Subic, Zambales Mayor John Conhon, kung saan, nangako raw sa kanila ang alkalde na pansamantala lamang ang dump site na iyon.
Nang suriin naman ni Kara kung ano-anong mga basura ang itinampak sa dumpsite, karamihan daw dito ay tila mga gasa at hospital waste. Sinasabing ito raw ay mga hospital waste na ginamit pa noong pandemya.
Kuwento pa ng mga katutubo, ang dating malinis na sapang dumadaloy roon, naging kontaminado na rin, kaya nag-iipon na lang sila ng tubig-ulan para salain. Ito na raw ang ginagamit nila sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, lalo na para sa inumin.
Samantala, kinapanayam naman ni Kara ang municipal engineer ng Subic local government unit (LGU) na si Marian Del Castillo, at inusisa kung kaninong ideyang gawing dump site ang kabundukan, na tahanan ng mga Ayta.
Sagot niya, naghahanap talaga sila ng lokasyon na puwedeng pagtambakan ng basura, at nakita na nga nila ang lugar na "isolated" daw.
Nang tanungin kung kumonsulta ba sila sa mga pamayanang nasa paligid nito, hindi raw nila alam na may community doon sa area.
Kung una pa lang daw ay napag-alaman na nilang may pamayanan sa nabanggit na lugar, hindi na raw sana nila tinuloy na pagtambakan ng basura doon, sagot naman ni Mary Grace Molina, OIC ng MENRO/GSO ng Subic LGU.
Tinanong din sila ni Kara kung kumonsulta ba sila sa nararapat na awtoridad bago magtambak ng basura sa kagubatan.
"Naisip ba ng local government na baka magkaroon siya ng damage sa kalikasan?" tanong ni Kara.
Sagot ni Molina, "Hindi po kami aware kung nakapag-consult sa environmentalist, kasi that time Ma'am, iba pa yung may hawak. Nag-retire na kasi siya. So, hindi po namin alam kung may previous na usapan."
Sunod na tinanong ni Kara ay kung nagawa ba ang unang planong paglalagay ng plastik o trapal sa lupa upang hindi sumipsip sa lupa ang katas ng mga basura.
Pag-amin ni Del Castillo, hindi raw nila nagawa ang paglalagay ng plastik sa lupa para maiwasan sana ang kontaminasyon.
Ipinaliwanag din ni Del Castillo na batay sa pagtataya ng engineering, nasa ₱78 milyon daw ang magugugol sa rehabilitasyon ng nabanggit na lugar.
Sa kasalukuyan daw, nakapag-request na raw sila ng ₱60 milyon sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa nabanggit na hakbang.
Samantala, agad namang naging usap-usapan sa social media ang nabanggit na dokumentaryo, at kinalampag ng mga netizen ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na kumilos patungkol dito.
Ngunit ayon pa sa dokumentaryo, taong 2022 nang matuklasan ng DENR ang operasyon ng dumpsite at inatasan ang lokal na pamahalaan na itigil ito dahil sa paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act.
Gayunpaman, tumagal pa umano ang operasyon nang tatlong taon bago ito tuluyang naisara nitong Marso 2026.
Anila pa, kahit itinigil na ang operasyon ng dumpsite, nananatili pa rin ang tone-toneladang basura sa lugar, na patuloy na nag-iiwan ng bakas ng pinsala sa komunidad at sa kalikasan.