July 23, 2026

Home SHOWBIZ Events

Ivana Alawi, Kara David nag-tie sa FAMAS bilang best host for public service

Ivana Alawi, Kara David nag-tie sa FAMAS bilang best host for public service
Photo courtesy: Screenshots from FAMAS (FB)

Parehong kinilala sa kauna-unahang FAMAS Broadcast Arts Awards 2026 ang Kapamilya star-social media personality na si Ivana Alawi at award-winning Kapuso broadcast journalist na si Kara David bilang Best Host for Public Service award sa idinaos na awarding ceremony sa The Manila Hotel noong Lunes, Hulyo 20.

Bukod sa pagiging best host, kinilala rin ang vlog niyang "Ivana For All" bilang Best Public Service Show.

Ibinahagi naman ni Ivana ang kaniyang natanggap na parangal sa mga kapwa niya nominado sa naturang kategorya kagaya nina Kara David, Jessica Soho, PAO Chief Persida Rueda-Acosta, Dr. Edinell Calvario, at Vicky Morales.

Giit ni Ivana sa acceptance speech, naniniwala siyang mahalagang sa kabila ng mga nangyayari sa mundo, kinakailangang magkaroon ng positive content at pagtulong sa mga kababayang nangangailangan.

"Maraming-maraming salamat po ulit sa FAMAS for this award. I actually want to share this with also my co-nominees dahil napakaganda talaga ng mga ginagawa rin nila," pahayag ng awardee.

Events

Ryan Bang, ibinigay kaniyang ipon sa staff, mga nabiktima ng lindol sa Mindanao

"And again, with everything that's happening in this world, I think it's very important na nag-she-share tayo ng positive content and tumutulong tayo sa ating mga kababayan because 'di ba, sino pa bang magtutulungan kundi tayo-tayo lang, giit pa niya.

Samantala, nagpasalamat din si Kara sa natanggap na parangal.

"Lagi ko pong sinasabi yung mga parangal na ito ay hindi naman talaga sa amin, ito ay bunga ng paghihirap ng aming crew, ng aming staff, at po ng mga cameraman, production crew, production assistant. Ito po ay bunga ng kanilang paghihirap," aniya.

"But more than that, nagpapasalamat po ako sa lahat po ng mga taong pinagkatiwalaan po nila ako ng kanilang mga istorya kasi wala po kaming maikukuwento kapag hindi sila nagtiwala sa amin. So, sa lahat po ng mga nagpa-interview sa amin at lahat po ng mga komunidad na pinapasok kami sa kanilang mga tahanan, maraming-maraming salamat po sa pagtitiwala."

"Makakaasa po kayo na yung tiwala po ninyo ay pahahalagahan ko po. Maraming salamat po muli sa FAMAS at inaalay ko po ito sa lahat ng Pilipino," aniya pa.

Nakuha ni Kara ang parangal para sa "Embalsamador de Motor" ng I-Witness at Best Public Affairs Talk Show para sa I-Listen.

Timing na timing ito para kay Kara matapos maging kontrobersiyal ang kaniyang dokumentaryong "Ibinasurang Paraiso" matapos daw itong tila makontra ng social media personality na si "Boss Toyo," na kalaunan ay nag-sorry sa kaniyang naratibo.

Samantala, si Ivana naman ay nakatanggap ng kritisismo sa pagpapamudmod ng 100 smartphones sa mga netizen, na ang gagawin ay mag-fa-follow sa pino-promote niyang online gambling app.