July 29, 2026

Home BALITA National

'Unusual,' patikim pa lang sa confidential funds ni VP Sara—Prosecution

'Unusual,' patikim pa lang sa confidential funds ni VP Sara—Prosecution
Photo courtesy: HOR, Senate of the Philippines

Tumirada si House prosecutor Lorenz Defensor na patikim pa lang daw sa publiko ang inihayag ng testigong si dating LandBank Department of Education (DepEd) branch manager Nenita Camposano na “unusual” sa pagkukubra ng tatlong halagang ₱37.5 milyon bawat tseke ng DepEd noong 2023 sa pamumuno ni Vice President Sara Duterte. 

Saad kasi ni Camposano sa Senate impeachment trial nitong Miyerkules, Hulyo 29, 2026, sinabi niyang tila hindi raw pangkaraniwan sa mata ng LandBank ang kinobra ng pamunuan noon ni VP Sara sa DepEd bilang isang ahensya ng gobyerno.

KAUGNAY NA BALITA: Nenita Camposano, nakitang 'unusual' ₱37.5M na kinubra ng DepEd noon

Sa naging pahayag naman ni Defensor sa ikinasang press conference ng House prosecution panel nito ring Miyerkules, sinabi niyang “appetizer” o perpektong simula raw ang pahayag ni Camposano na “unusual” sa usapin ng confidential funds ng bise presidente. 

“Ang ‘unusual’ ay appetizer pa lang. And ‘unusual’ is the perfect start for the prosecution pagdating sa confidential funds,” pagsisimula niya. 

National

Sen. Pia Cayetano, sinampahan ng ethics complaint dahil sa 'spliced video!'

Ani Defensor, hahayaan daw nilang manguna ang mga ebidensya upang makita ng Korte ang paglabag ni VP Sara sa betrayal of public trust and culpable violations of the Constitution sa mga susunod pang pagdinig. 

“We will let the evidence lead the court to a finding of betrayal of public trust and culpable violations of the Constitution in the coming trial days,” aniya. 

Diin pa ni Defensor, mahusay na simula raw ang usapin sa “unusual” na pagkukubra ng pamunuan ni VP Sara sa DepEd noon sa kabuuan umanong ₱612.5 milyong may kaugnayan sa confidential funds. 

“Sa palagay namin, mahusay na simula ito. Sa simula’t simula pa lang, ang mga bangko na pinanggalingan ng 612.5 million na cash ay unusual,” saad niya. 

“Like I said, unusual is the perfect start for the confidential funds,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, inaprubahan naman ng defense team ang mga ebidensyang inilatag ng prosecution batay sa mga petsa ng pag-encash ng nagngangalang si “Edward Fajarda” ng bawat ₱37.5 milyon noong Pebrero 22, 2023, Abril 26, 2023, at Hulyo 13, 2023.

Kasalukuyang ehekutibo ng Office of the Vice President (OVP) at dating Special Disbursing Officer (SDO) ng DepEd si Fajarda noong panahong kalihim pa ng naturang kagawaran si Vice President Sara Duterte noong 2023.

KAUGNAY NA BALITA: ₱37.5M na kinubra ng DepEd, pinadulas sa fire exit?

KAUGNAY NA BALITA: Orihinal na copies ng tseke na in-encash ng OVP, shredded na—Violeta Constantino