Idiniin sa publiko ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno na hindi raw “disposable” ang buhay ng mga rider na nagtatrabaho sa loob ng isang plataporma, dahilan para mabigyan ng bayad, benepisyo, at pananagutan mula sa kumpanya kapag nasaktan daw ang mga ito.
Screenshot mula sa FB post ni Diokno.
Matatandaang magkakasunod na mga kaso na kinasangkutan ng pananakit sa mga riders ang naging mainit na usapin sa publiko, partikular sa pagkasawi ng isang motortaxi rider noong Hulyo 14 matapos siyang saksakin ng ice pick sa tagiliran at pagnakawan ng motorsiklo ng mismong pasahero na kaniyang sinakay.
KAUGNAY NA BALITA: Solo parent na TNVS rider, pinatay at pinagnakawan pa ng motorsiklo ng pasahero!
Sa inilabas na pahayag ni Diokno sa kaniyang social media post, partikular sa Facebook, nitong Miyerkules, Hulyo 22, 2026, sinabi niyang hindi raw puwedeng basta na lang kumita ang mga platform sa mga delivery na ginagawa ng mga rider at iwan na lang mga ito kapag nasaktan o naaksidente sa gitna ng kanilang pagtatrabaho.
“Hindi puwedeng kumita ang mga platform sa bawat delivery pero iwan ang riders kapag may aksidente o nasaktan sa trabaho,” aniya.
Ani Diokno, ito raw ang dahilan sa pagsusulong niya ng mabilisang ratipikasyon sa ILO Convention No. 193 o “Decent Work in the Platform Economy Convention (2006)” at pagsasabatas ng House Bill 6572 o “Protektadong Online Workers, Employees, Riders, at Raketera (POWERR)” Bill.
Aniya, layunin nitong magkaroon ng malinaw na pananagutan ng mga platform sa pagbibigay nila ng patas na kontrata, proteksyon, at mga benipisyo sa mga sektor ng manggagawa na nabanggit.
“Kaya isinusulong natin ang agarang ratipikasyon ng ILO Convention No. 193 at ang pagsasabatas ng ating Protektadong Online Workers, Employees, Riders, at Raketera (POWERR) Bill (HB 6572) para magkaroon ng malinaw na pananagutan ang mga platform, kasama ang patas na kontrata, social protection, at mga benepisyo tulad ng SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG,” anang mambabatas.
Pagpapatuloy ni Diokno, ito na raw ang tamang panahon para mabigyan ng seguridad ang mga riders at iba pang sektor ng manggagawa na katumbas sa serbisyong inilalaan nila.
“Ang riders ay hindi disposable. Panahon nang bigyan sila ng proteksyong katumbas ng serbisyong ibinibigay nila araw-araw,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: DSWD, nagbigay ng ₱10k sa pamilya ng pinaslang na rider sa Caloocan City
KAUGNAY NA BALITA: Suspek na rider sa road rage sa Marikina, sinuspinde ang lisensya!