July 25, 2026

Home BALITA Metro

Suspek na rider sa road rage sa Marikina, sinuspinde ang lisensya!

Suspek na rider sa road rage sa Marikina, sinuspinde ang lisensya!
Photo courtesy: Petiks Gaming via LTO (FB)

Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng sangkot na ride-hailing app rider sa nag-viral na insidente ng road rage sa Marikina, kung saan, pinagbubugbog nito ang kapwa rider. 

Sa pahayag ng LTO nitong Martes, Hulyo 21, naganap ang insidente bandang 10:00 ng gabi noong Sabado, Hulyo 18, at batay sa nakalap nilang police report, hinarang umano ng suspek na rider ang motorsiklo ng biktimang rider din at sinigawan ito ng “Aray mo!” 

Ito ay naging dahilan upang mapahinto ang nasabing biktimang rider sa gitna ng kalsada. 

Ang komprontasyon ng dalawang motorista ay nauwi sa mainit na pagtatalo, kung saan, ang suspek ay nagbitiw umano ng mga hindi kanais-nais na mga salita, na kalauna’y umabot sa pananakit. 

Bilang tugon, ang LTO ay nagbaba ng Show Cause Order (SCO) laban sa rider na suspek, bukod dito, inaatasan rin itong humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) para sa kaniyang itinakdang pagdinig. 

Metro

‘Shortened operations,’ ipinatupad sa LRT-2 ngayong Hulyo 25

Pinagsusumite rin ito ng sinumpaang paliwanag at iba pang kaugnay na dokumento upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa kasong “Improper Person to Operate a Motor Vehicle.” 

Habang umaandar ang pagdinig na ito, ang lisensya ng suspek isinailalim sa 90-day preventive suspension. 

Ang motor naman niya ay inilagay na rin sa alarm hanggang sa matapos ang pagdinig at pagreresolba ng kaso. 

Sa kabilang banda, inaanyayahan din ng LTO ang biktimang rider na dumalo sa clarificatory hearing upang makapagprisinta ng mga orihinal na dokumento at iba pang kaugnay na ebidensya na maaaring makatulong sa masusing pagresolba ng kaso. 

Sa pagtatapos ng pahayag, ipinaalala ng LTO sa panganib na dulot ng road rage at iresponsableng pag-uugali sa lansangan.

Anila pa, anumang hindi pagkakaunawaan ay hindi dapat humantong sa karahasan at ang tunay na disiplina sa pagmamaneho ay hindi lamang nasusukat sa pagsunod sa batas trapiko, kung hindi maging sa paggalang sa kapwa at pag-iingat.