July 17, 2026

Home BALITA National

Ridon sa +2 rating ni VP Sara: 'Congrats. Pero tuloy impeachment!'

Ridon sa +2 rating ni VP Sara: 'Congrats. Pero tuloy impeachment!'
File Photo

Binati ng House prosecutor na si Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon ang nakuhang +2 satisfaction rating ni Vice President Sara Duterte sa bagong inilabas na survey result ng Social Weather Stations (SWS) para sa ikalawang quarter ng 2026.

Batay sa ulat ng Manila Bulletin, sa resulta ng survey na isinagawa mula Hunyo 20 hanggang 29, lumabas na 58% ng mga respondent ang nagsabing kuntento sila sa trabaho ng bise presidente, habang 26% naman ang nagpahayag ng hindi pagkakuntento. Dahil dito, nakakuha si VP Sara ng net satisfaction rating na +31, na ikinategorya ng SWS bilang "good" o maganda.

Mas mataas ito ng dalawang puntos kumpara sa kaniyang naitalang +29 net satisfaction rating noong Marso 2026.

KAUGNAY NA BALITA: Tumaas ng +2! 58% ng mga Pilipino, kuntento pa rin kay VP Sara—SWS

Sa naging pahayag naman ni Ridon sa isinagawa nilang press conference nitong Biyernes, Hulyo 17, sinabi niyang hindi raw puwedeng iahalo ang resulta na nakuha ni VP Sara sa survey rating sa Senate impeachment trial laban sa kaniya. 

National

‘Hindi unggoy ang mga Pilipino!’ Jay Tarriela, Sen. Robin, nagpuksaan sa social media!

“Una sa lahat, hindi puwedeng pagbanggain ‘yong survey ratings doon sa impeachment. Kasi ang sinusukat sa survey rating, satisfaction ratings, ay kung maayos ba ‘yong service delivery ng ating Pangalawang Pangulo,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “I think nagbigay naman siya ng ulat sa bayan na talagang tumutulong sila sa iba’t ibang mga sektor—na ginagawa rin naman ng iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan.” 

Ani Ridon, hindi rin daw maaaring hindi sukatin ng impeachment court ang mga naging paglabag umano sa Konstitusyon at betrayal of public trust ni VP Sara noon dahil lang tila naging positibo ang resulta ng mga survey para sa kaniya. 

“Pero hindi ibig sabihin noon, hindi siya puwedeng sukatin ng Senate impeachment court patungkol doon sa mga paglabag ng Konstitusyon at mga betrayal of public trust na ginawa ng ating Pangalawang Pangulo in the past,” aniya. 

Pagpapatuloy ni Ridon, binabati niya raw si VP Sara dahil sa nakuha nitong mataas na satisfaction rate ngunit tiniyak niyang magpapatuloy pa rin daw ng paggulong ng impeachment trial. 

“Congratulations dahil mataas ‘yong kaniyang satisfaction rating, pero tuloy pa rin ‘yong impeachment proceedings laban sa Pangalawang Pangulo. Dahil ang pagpapanagot sa kaniya ay mas mabigat na usapin kaysa sa kahit ano pa,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang kampo ni VP Sara kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: Mga Pinoy, 'mas satisfied' kay VP Sara kaysa kay PBBM

KAUGNAY NA BALITA: 'Kung inosente ka, bakit ka aatras?’ Atty. Lorna Kapunan, binira si VP Sara!