Mariing umalma si Jennylyn Badoria, ina ng nasawing si Joyancee Separa, 15, sa naging school shooting incident sa Tacloban City noong Hunyo 22, 2026, na mapunta lang daw sa pasilidad ng Bahay Pag-asa ang mga menor de edad na suspek sa pagkamatay ng kaniyang anak.
Matatandaang ginulantang ang publiko ng naging pamamaril nina alyas Nash, 14, at Rod, 15, sa loob ng San Jose National High School noong Hunyo 22 dahilan para masawi ang tatlong mga mag-aaral, kasama na anak na babae ni Badoria na si Joyancee.
KAUGNAY NA BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!
Sa naging pahayag ni Badoria sa pagdalo niya sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality nitong Miyerkules, Hulyo 1, inapela niya kung maaari daw pababain pa ang edad ng mga batang maaaring patawan ng criminal liability, partikular sa kaso ng mga suspek na nakapatay sa kaniyang anak.
“Ang gusto ko lang sabihin, kung puwede pababaan ‘yong edad na puwede nang makasuhan. Kasi sabi niya, ‘yon daw nakabaril sa anak ko, wala daw crime liability. So paano ‘yan? Ano lang ‘yan, sa Bahay Pag-asa?” pagsisimula niya.
Ani Badoria, sumasang-ayon daw siya sa nauna nang nasaad ni Sen. Raffy Tulfo na hindi raw dapat isama ang mga menor de edad sa kulungan ng mga hardened criminals at mapasok ang mga suspek sa mga pasilidad na maipapataw ang wastong parusa para sa mga ito.
“Naniniwala ako na hindi dapat sila ihalo sa hardened criminals. Everybody believes that,” pahayag ni Tulfo nito ring Martes.
Pagsang-ayon naman ni Badoria, “Puwede naman siguro. I agree ‘yong sinabi ni Tulfo, I agree po ‘yong sinabi niya. Puwede naman siyang makulong doon sa ibang pasilidad na puwede sa kanilang edad. Para ‘di nila maramdaman ‘yong sakit, ‘yong parusa na karapat-dapat sa kanila, e.”
Emosyonal na pagdidiin ni Badoria, dapat daw na disiplinahin ang mga suspek sa pagkamatay sa kaniyang anak kagaya ng pagbibigay ng mga magulang ng parusa sa mga bata tuwing nagkakasala ang mga ito.
“Disiplinahin din sila! Kaya nga ‘yong bata kapag nagkakasala, ‘di ba disiplinahin? Turuan nang maayos, turuan nang tama… ‘Di ba paparusahan ‘yan, papaluhurin, papaluin ng sinturon,” aniya.
Pagpapatuloy niya, nakapatay daw kasi sina Nash at Rod ng mga tao, partikular ng kaniyang anak, at tila hindi raw sapat na mapunta lang umano sa Bahay Pag-asa ang mga nabanggit.
“E, ‘yong bata na ‘yan, nakamatay ‘yan! Nakamatay ‘yan ng tao! So, ano? Iba-Bahay Pag-asa lang ‘yon? Dapat may pasilidad din na karapat-dapat sa kanila [para] maramdaman din nila ‘yong sakit!” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, nananatili pa ng nasa kustodiya ng mga awtoridad sina Rod at Nash habang naghihintay silang mailipat sa lokal na social welfare at development facility kung saan inaasahang sasailalim sila sa intervention at rehabilitation program.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Raffy, naniniwalang 'di dapat ihalo ang bata sa hardened criminals
KAUGNAY NA BALITA: 'Kesa hintayin pang may mamatay': Sen. Bong Go, idiniin mental health issue ng kabataan!