Idiniin ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go sa publiko ang halaga na matutukan ang usaping tungkol sa mental health ng kabataan upang maiwasan ang mga pangyayaring kinasasangkutan ng mga menor de edad.
Matapos ito ng naganap na school shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22, 2026, kung saan dalawang menor de edad na sina Nash at Rod ang naging suspek sa pamamaril at naging pagkasawi ng tatlo nilang mga kamag-aaral.
KAUGNAY NA BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!
Sa naging opening statement ni Go sa ikinasang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality nitong Miyerkules, Hulyo 1, 2026, sinabi niyang naniniwala raw siya, bilang chairperson ng Senate Committee on Health, na isyung tungkol sa kalagayan ng kabataan, public health, at hamon sa sistema ng edukasyon ang resulta ng naganap ng pamamaril sa Tacloban.
“I believe that this incident should not be viewed merely as a peace and order concern. It is equally a youth welfare issue, a public health issue, and a challenge to our education system,” pagsisimula niya.
Ani Go, dapat daw na malapatan ng mabusising pagsisiyasat ang mga safety protocol at mental health program ng mga paaralan sa bansa dahil malinaw raw na marami nang kabataan ang naaapektuhan ng mental health issue maging sa panahon pa raw ng pandemya.
“This tragedy should prompt a serious review of our school safety protocols and mental health programs. Mental health issues are real talaga. Talagang maraming apektado even during the pandemic time,” aniya.
Dagdag pa niya, “Hindi lang ito usapin ng seguridad. Kailangan din nating tingnan ang kalagayan ng ating mga kabataan. Kung may problema sa bahay, sa paaralan, sa komunidad, mas mabuti ang maagapan kaagad ito.”
Diin ni Go, mas mabuti na raw na mapigilan ang mga kaso ng mga batang gumagawa ng malalang gawain kaysa hintayin pa ng gobyerno na may muling masaktan o mamatay dahil lang sa hindi nila pagtuon sa mental health issue.
“Mas mabuti ang prevention kaysa hintayin pa nating may masaktan o mamatay. Mental health issues are real,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Raffy, naniniwalang 'di dapat ihalo ang bata sa hardened criminals