Nanawagan si Pangulong Bongbong Marcos Jr. na kailangang maprotektahan ang kabataan kasunod ng sunod-sunod na insidenteng kinasasangkutan ng mga menor de edad, kabilang ang kamakailang school shooting sa Tacloban.
Sa isang video na inilabas nitong Sabado, Hunyo 27, inilahad ng Pangulo ang kaniyang pagkabahala sa nangyayari ngayon sa kabataan.
Isa na rito ang kamakailang school shooting sa Tacloban, kung saan dalawang menor de edad ang suspek sa pamamaril at pagpatay sa tatlong estudyante.
Maki-Balita: ALAMIN: Ilang detalye sa likod ng kauna-unahang school shootout sa Tacloban City
Maki-Balita: #BalitaExclusives: Estudyante sa Tacloban na isinakripisyo ang sarili para sa mga kaklase, binigyang-pugay ng guro!
Kasunod nito, hinalimbawa rin ng Pangulo ang insidente ng pananaksak sa loob ng eskuwelahan sa Cavite.
Nabanggit din ni Marcos ang pagkasawi nina Rene Clert Baterbonia at Nigerian foreign-athlete Divine Adili nang malunod sa isinagawang team-building ng koponan ng Ateneo de Manila University sa Dipaculao, Aurora, noong Hunyo 8, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: 'Is it just a team building?' Netizens, umalma sa pagkalunod nina Baterbonia at Adili!
"Nakakadurog talaga ng puso. Magkakaiba man ang pangyayaring ito, iisa ang mensaheng ipinapakita nila sa atin—kailangang maprotektahan ang ating mga kabataan," saad ng Pangulo.
"Maprotektahan laban sa karahasan, maprotektahan laban sa kapabayaan, maprotektahan laban sa panganib, at maprotektahan laban sa mga tahimik na pinagdaraanan at pasaning dinadala ng marami sa kanila," dagdag pa niya.
Giit pa ni Marcos, "Ang paaralan ay dapat maging lugar ng pagkatuto, pangarap, at pag-unlad. Hindi lugar kung saan nangangamba ang mga magulang para sa kaligtasan ng kanilang mga anak."
Bilang solusyon, inatasan aniya ang mga ahensya sa edukasyon, kapulisan, kalusugan, at lokal na pamahalaan na higit pang palakasin ang mga hakbang para sa kaligtasan ng mga mag-aaral sa buong bansa.
"Ngunit hindi sapat ang pagkilos ng Pamahalaan lamang. Dapat maging aktibong bahagi ng buhay ng kanilang mga anak ang mga magulang. Dapat ipagpatuloy ng mga guro ang kanilang tungkulin hindi lamang bilang mga tagapagturo kundi bilang mga gabay at tagapayo. Dapat ding tiyakin ng mga paaralan na nasusunod ang mga panuntunan sa kaligtasan," ayon pa sa Pangulo.
"Bilang isang lipunan, kailangang maibalik ang pagpapahalaga sa buhay ng tao, pagtuturo ng tamang asal, pag-uugali, at pag-iisip higit pa sa anumang leksyon sa silid-aralan."