Naghayag ng pagsang-ayon si BB Gandanghari sa panukalang amyendahan ang Juvenile Justice Law para maibaba ang edad ng criminal responsibility mula 15 patungong 10-anyos.
Sa isang Facebook Live ni Sen. Robin Padilla noong Huwebes, Hunyo 25, sinabi ni BB na naniniwala raw siya sa tindig ng utol niya kaugnay sa nasabing isyu.
“Naniniwala ako sa sinasabi ni Robin. Hindi po ito para parusahan ang mga bata. Ang sinasabi po niya is magkaroon ng deterrent. Magkaroon ng kinatatakutan ang mga bata,” saad ni BB.
Dagdag pa niya, “So sinusulong niya ang panukalang ito hindi para ikulong ang lahat ng ten-year-olds. Ang talagang pinanggagalingan lang po no'n ay may katakutan ang mga batang ito.”
Sa katunayan, ayon kay BB, maituturing pa nga raw proteksyon ang gustong mangyari ni Sen. Robin.
"Hindi ko po ginagamit ang Diyos. Pero ang totoo po niyan, kaya tayo binigyan ng ten commandments ng Panginoon is not to punish us or to condemn us, but actually to protect us from sin,” dugtong pa niya.
Matatandaang isa si Sen. Robin sa mga tumalak upang buhaying muli ang usapin hinggil sa pagpapababa ng edad para panagutin ang batang nagkasala sa batas.
Ito ay matapos ang nangyaring pamamaril ng dalawang menor de edad sa Tacloban City noong Lunes ng umaga, Hunyo 22, isa na ikinasawi ng tatlong estudyante.
Maki-Balita: Matapos insidente ng barilan: Sen. Robin, tinalak special session para sa 'Juvenile Justice Act!'
Ngunit agad namang tinuligsa ng Akbayan Party-list ang posisyon ni Sen. Robin sa isyung ito. Anila, sinasamantala lang umano ng senador ang naturang trahedya upang maisulong ang wala sa hulog nitong panukala.
Maki-Balita: Akbayan binira si Sen. Robin: Preso sa bata, gusto; kay Bato ayaw?
Samantala, bukod sa pagpapababa ng age of criminal responsibility, gusto rin ni Sen. Robin na ipagbawal sa mga menor de edad ang paggamit ng social media platforms dahil sa radikalisasyong maaaring idulot nito.
Maki-Balita: Radicalization ng internet sa kabataan, ‘di na kailangang pag-aralan?—Sen. Robin