Naghain ng panukalang batas sa Senado si Senate President Sherwin “Win” Gatchalian na naglalayong pagbawalang gumamit ng social media ang mga menor de edad na may edad 16 pababa.
Kaugnay ito sa naganap na school shooting incident ng dalawang menor de edad na suspek sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City noong Lunes, Hunyo 22, 2026, at ikinasawi ng tatlong mga mag-aaral, at ilan pa ang nasaktan.
KAUGNAY NA BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!
Sa naging pahayag naman ni Gatchalian sa panayam sa kaniya ng isang TV station nitong Huwebes, Hunyo 25, sinabi niyang nag-iiba na raw kasi ang social media sa kasalukuyang panahon at nabasa raw niya sa mga ulat na lubhang naapektuhan nito ang kabataan para gumawa ng krimen.
Diin ni Gatchalian, higit na mas nakakaapekto raw sa pag-iisip ng kabataan ang paggamit nila ng mga larong nagtataglay ng bayolenteng pamamaraan at may salik ng social media o pakikisalamuha sa ibang misteryosong indibidwal.
Ani Gatchalian, hindi lang naman daw nalilimitahan sa mga platform na Facebook o Instagram ang paggamit ng social media, bagkus, maaari din itong pumasok sa mga online games na patok sa mga bata.
“Ibig sabihin, puwede kang makipagkilala sa ibang tao, puwede kang makipaglaro sa ibang tao, pero hindi mo alam kung sino itong mga tao na ito. Hindi mo alam kung sila ay bata o matanda,” aniya.
Paglalahad ni Gatchalian, nabasa rin aniya sa mga international news na napapasok ng mga terorista at extremist ang mga violent games para impluwensyahan ang mga batang gumawa ng hindi magagandang bagay at karahasan.
“At base sa mga report na nababasa ko sa ibang bansa, itong mga violent games ay pinapasukan ng mga terrorist at extremist. Dito nila iniimpluwensyahan ‘yong bata na pumasok sa mga hindi magaganda at karahasan,” paliwanag niya.
Anang Senate President, dapat daw na mahinto ang mga bagay na nagiging daan ng masasamang indibidwal para lang impluwensyahan ang kabataan.
Dahil dito, naghain daw sila sa Senado ng panukalang batas na magbabawal na gumamit ng social media ang mga batang may edad 16 pababa.
“Isa sa mga ini-file nating panukalang batas, ‘yong pag-banned ng social media sa mga 16 years old and below,” pagtatapos niya.
KAUGNAY NA BALITA: CICC, pansamantalang ipagbabawal ang ‘GoreBox’
KAUGNAY NA BALITA: Hinagpis ng ina ng biktima sa pamamaril sa Tacloban: Hindi mali ginawa mo, pero kami ang iniwan mo!