Binalikan ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro ang mga naging insidente ng barilan at pambobomba sa loob ng paaralan at iba pang lugar sa gitna ng panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte mula 2016 hanggang 2019.
Nauna na kasing inihayag ni Vice President Sara Duterte na ipinakikita raw ng mga nagdaang trahedya, partikular sa naganap na school shooting sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte noong Lunes, Hunyo 22, 2026, ang kabiguan ng mga gobyernong tukuyin ang mga problema at banta sa buhay ng kabataan bago pa man sila masawi.
“This tragedy also exposes the failure of the government to recognize the importance of intelligence gathering and identifying threats before lives are lost. We cannot continue reacting only after another child is hurt or killed,” ani VP Sara.
Buwelta pa niya, “The continuing loss of young lives should serve as a wake-up call to this administration. The government must act now to make our schools safer and to better protect our learners.”
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, pinuna PBBM admin sa pagkamatay ng mga estudyante sa bansa!
Sa naging tugon naman ni Castro sa isinagawa niyang press briefing nito ring Martes, dinepensa niyang hindi raw dapat na aktuwal na lapatan ng intelligence gathering ang dalawang suspek sa school shooting dahil hindi naman terorista ang mga ito.
“Hindi sila mga terorista. Sila ay mga estudyanteng mukhang diumanong gumon lang sa online gaming na marahas,” pagsisimula niya.
Bilang sagot, inisa-isa ni Castro ang mga insidente ng pamamaril sa loob ng isang paaralan sa Barangay Masili, Calamba, Laguna, noong 2019 sa panahon ng pamumuno ng ama ni VP Sara na si FPRRD.
“Kung ‘yan ang sinasabi niya na dapat mino-monitor through intelligence gathering, bakit kaya noong 2019 sa Masili National High School sa Calamba, Laguna, ay nagkaroon din ng barilan sa loob ng classroom,” buwelta niya.
Dagdag pa ni Castro, “Isang fifteen years old, Grade seven student ang involved. This is 2019. It occured 2019. Bakit hindi ito kaya nakita sa intelligence report ng kaniyang ama.”
Pagpapatuloy ni Castro, may naganap din daw na pambobomba ng terorista sa isang pamilihan sa Davao noong 2019 ngunit hindi naman daw niya nakitang pinayuhan ni VP Sara ang kaniyang ama para maresolba o malabanan ang naturang insidente.
Buwelta pa ni Castro, nagkaroon din daw ng pambobomba para puntiryahin ang security team ni FPRRD noong Nobyembre 29, 2016, dahilan para masugatan ang siyam na mga indibidwal.
“Magaling naman po yata siyang magpuna pero walang solusyon na naibibigay. Sana nagbigay siya ng solusyon,” patutsada niya.
Saad pa ni Castro, pinarangalan pa raw ni FPRRD ang isang nasawing pulis dahil sa pambobomba sa Initao College sa Misamis Oriental noong 2019 ngunit hindi naman daw niya nalamang pinayuhan ni VP Sara ang kaniyang ama kung paano raw sana naiwasan ang naturang insidente.
Diin ni Castro, may mga pagkakataon daw na hindi maiiwasan ang mga kaguluhan, partikular sa naging pamamaril ng dalawang menor de edad sa kanilang eskwelahan, ngunit idiniin niyang hindi raw terorista ang mga suspek na bata.
“Sa susunod sana, bago magbigay ng pamimintas ang Bise Presidente, itanong n’yo sa kaniya, ‘Ano ang kaniyang suhestiyon?’” pagtatapos pa ni Castro.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si VP Sara kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!
KAUGNAY NA BALITA: 'Napakabait ng apo ko!' Lola ng biktima sa school shootout sa Tacloban, itinangging bully apo niya