July 23, 2026

Home BALITA National

'Napakabait ng apo ko!' Lola ng biktima sa school shootout sa Tacloban, itinangging bully apo niya

'Napakabait ng apo ko!' Lola ng biktima sa school shootout sa Tacloban, itinangging bully apo niya
Photo courtesy: Mykz Owen (FB)

Naghihinagpis ang lola ng isang nasawing biktima sa sinapit ng kaniyang apo sa naganap na insidente ng pamamaril ng dalawang menor de edad sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City noong umaga ng Lunes, Hunyo 22, 2026. 

Batay sa inisyal na talang isinapubliko ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes, Hunyo 23, dalawang babae at isang lalaking mga mag-aaral ang nasawi sa naganap na shooting incident habang aabot naman sa 20 ang bilang ng mga nasugatan. 

Sa inilabas na video ng GMA News sa panayam nila sa lola ng isang nasawing biktima nito ring Martes, mapapanood ang pagiging emosyonal nii Aleth Fabian, lola ni Lorenz Fabian, habang kinukuwestiyon tila kawalan umano ng hustisya sa mapait na sinapit ng kaniyang apo. 

“Porket bata, hindi sila mananagot? Tapos ‘yong mga nagbigay ng mga baril sa kanila, ‘yong mga tiyuhin nila o tatay nila, paano ‘yon? Ganoon na lang ba ‘yon?” pagsisimula niya. 

Ani Aleth, napakabait daw ng kaniyang apo at binibigay pa nga raw ni Lawrence ang kaniyang baon sa kaniyang mga kaklase. 

National

'Kiyapo,' lalakas bilang tropical storm; signal no. 1, nakataas na!

“Napakabait ng apo ako. Wala siyang record sa eskwelahan. Baon niya, binibigay niya sa mga kaklase niya. Bakit ngayon naging ganiyan ‘yong apo ko? Anong gagawin namin?” aniya. 

Dagdag pa niya, “Tulungan n’yo po kaming magkaroon ng hustisya ‘yong apo ako. Siya po ‘yong binubully, hindi po siya nambubully! Mabait po ‘yong apo ko.” 

Diin ni Aleth, hindi raw totoong nabubully ang dalawang suspek kaya sila namaril sa loob ng paaralan at maintindihan daw sana ng publiko na magaling humawak ng baril ang mga ito kaya malinaw raw na sinadya nila ang manggulo sa loob ng paaralan. 

“Hindi po totoo ‘yong sinasabi nilang nabubully ‘yon. Tingnan n’yo naman po ‘yong katawan niya, magaling po sila sa baril. Sinadya po nila ‘yun,” buwelta niya. 

Pagpapatuloy ni Aleth, umalis pa raw sila sa kanilang probinsya para mabigyan ng magandang kinabukasan ang apo niyang si Lawrence ngunit imposible na raw mangyari ‘yon dahil nasawi na ang huli. 

“Paano pa niya matitikman ‘yon, nandiyan na siya! Nasaan ang hustisya dito. Tulungan n’yo po kami!” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, nasa kustodiya na ng Tacloban City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at kapulisan ang dalawang menor de edad na suspek sa shooting incident sa Tacloban. 

Nakapiit na ngayon ang naturang mga suspek alinsunod sa child-sensitive protocols at juvenile justice laws habang patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad at pinoproseso ang mga legal na dokumentasyon kaugnay sa naganap na insidente.

KAUGNAY NA BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!

KAUGNAY NA BALITA: Shooting incident sa Tacloban, pinagplanuhan umano nang isang buwan—PRO-8