Pinagplanuhan umano nang mahigit isang buwan ng dalawang menor de edad ang ginawang pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City noong Lunes ng umaga, Hunyo 22, ayon sa Police Regional Office 8 (PRO-8).
Ayon sa mga ulat nitong Martes, Hunyo 23, sinabi ni PRO-8 Regional Director PBGEN Jason Capoy na Mayo pa lang ay pinagbabalakan na ng mga suspek ang pamamaril.
Bukod dito, pinaniniwalaan ding impluwensiyado sila ng marahas na online gaming app na “GoreBox,” isang chaotic physics-driven sandbox kung saan nagtatagpo ang creativity at destruction. Una itong inilunsad noong Hulyo 2022.
Matatandaang nauna nang sinabi ni Department of Education (DepEd) Usec. for Operations Dr. Malcolm Garma sa “Unang Balita” nitong Martes ng umaga na premeditated ang nangyari.
“In-establish pa natin ngayon 'yon kasi we don't want to preempt the police investigation right now," dugtong pa niya.
As of 8 a.m. ngayong Martes, umabot na sa 20 ang bilang ng nasaktan sa insidente habang 15 naman ang nakakuha ng firearm-related injuries habang 5 ang nasaktan sa komosyon.
Nananatili pa rin sa tatlo ang bilang ng nasawi.