July 23, 2026

Home SHOWBIZ Relasyon at Hiwalayan

'Nilaban namin hanggang sa huli!' Ser Geybin, Mam Elma winakasan 7 taong pagsasama

'Nilaban namin hanggang sa huli!' Ser Geybin, Mam Elma winakasan 7 taong pagsasama
Photo courtesy: Mam Elma (FB)

Tuluyan nang kinumpirma ng social media personality na si "Mam Elma" o Elma Asagra sa tunay na buhay, na hiwalay na sila ng kaniyang longtime partner na si "Ser Geybin" o Gavin Capinpin matapos ang pitong taong relasyon.

Sa isang emosyonal na pahayag na ibinahagi sa social media nitong Martes, Hunyo 23, sinabi ni Mam Elma na matagal na nilang sinubukang ayusin ang kanilang relasyon, ngunit dumating sa puntong hindi na pareho ang kanilang nararamdaman para sa isa't isa.

"Hi, everyone. I know a lot of you have been asking about Gavin and me. Ang daming speculations! We really tried our best to work things out. Yes, nakikita ninyo kaming masaya on-cam, pero sa likod ng camera, we also have our own problems and struggles na kami lang ang nakakaalam. Nilaban po namin hanggang sa huli," ani Mam Elma.

Nilinaw rin niya na hindi lamang para sa content o views ang kanilang naging relasyon.

"I just want to clear things up. Hindi lang po kami ‘for the views’ or anything. What Gavin and I had was real. Dumadating po siguro talaga 'yung time na hindi mo na mararamdaman 'yung mutual feelings. Sa love, kailangan parehas kayong nagmamahal," dagdag niya.

Relasyon at Hiwalayan

Jelai sa bagong partner ni King Badger: 'Sana ingatan mo siya para hindi na makaperwisyo ng iba'

Kasabay nito, pinabulaanan din ni Mam Elma ang mga kumalat na espekulasyon at tsismis sa social media.

"I am aware of the speculations and rumors spreading online. Magkaibigan po sila, nabigyan lang po ng malisya ang mga kumalat na pictures based sa kung ano lang po ang nakikita, pero lahat po 'yon bago mangyari ay alam ko na, dahil pinapaalam lahat ni Gavin. Please don't make any judgments or spread fake news without confirmation," saad niya.

Ayon pa sa social media personality, matagal na nilang sinubukang iligtas ang kanilang relasyon bago sila nagdesisyong maghiwalay.

"It's just that, the time po nalabas ang 'Pasan' naglabasan na po ang mga kung ano-anong haka-haka. Matagal po naming sinubukan ang lahat. Our decision is mutual. Like what I've said, we tried our best to make it work," aniya.

Nagpasalamat din si Mam Elma sa kanilang mga tagasuporta, lalo na sa grupong ELGA, na patuloy na nagmamahal at sumusuporta sa kanila.

"This is not easy for either of us, especially for our families who are also hurting through this. To ELGA, thank you for giving us the time to process the pain and finally face this. We know that this is painful. Sobrang nasasaktan kami na nakikitang nasasaktan kayo," aniya.

Sa kaniyang mensahe para kay Sir Geybin, binalikan ni Mam Elma ang kanilang pitong taong pagsasama.

"Gavin, it has been 7 wonderful years. I learned so much from our relationship, and I will always value the time we shared together. You have been such an important part of my life. Ang daming plano at pangarap na natupad natin nang sabay."

"Salamat sa pagmamahal na binigay mo sa akin at sa pamilya ko. You gave me the kind of love that I will forever cherish. I will always be thankful and grateful for you. You will always have a space in my heart," dagdag pa niya.

Aminado rin si Mam Elma na mahirap ang kanilang pinagdadaanan lalo na dahil nasaksihan ito ng publiko.

"Breaking up is never easy, especially when it happens in front of everyone. Hiling lang po namin ang inyong pag-unawa at respeto sa aming privacy habang sinusubukan naming simulan ang bagong yugto ng aming mga buhay."

Gayunman, sa pinakahuling pahayag ni Mam Elma, kinumpirma niyang tuluyan nang natapos ang kanilang relasyon, ngunit nananatili ang respeto at suporta nila para sa isa't isa.

"Gavin and I will continue to support each other as we go our separate ways. We hope that you will still join us on our new journeys," pagtatapos ni Mam Elma.

Matatandaang kamakailan lamang ay ikinabahala ng kanilang mga tagahanga ang naging anxiety attack ni Sir Geybin. Kasunod nito ay kumalat ang iba't ibang espekulasyon online, kabilang ang alegasyon ng pagkakaroon umano ng third party.

Maki-Balita: Sir Geybin, isinugod sa ospital; nakatulala, nahirapang huminga, nanigas ang katawan!

Maki-Balita: Kaya na-anxiety attack? Ser Geybin, trending dahil sa alegasyon ng 'cheating issue!'

Dahil dito, agad na naglabas noon ng paglilinaw si Sir Geybin at iginiit na walang katotohanan ang mga paratang. Sinabi rin niyang hindi pa sila hiwalay ni Mam Elma nang mga panahong iyon at alam umano ng kanyang partner ang lahat ng mga pangyayari na pinag-uusapan sa social media. Sa mga sandaling iyon, magkasama pa sila ni Mam Elma sa video at sinegundahan naman niya ang lahat ng mga sinabi ng jowa.

Maki-Balita: Sir Geybin tungkol sa cheating issue: 'Tropa lang yun, alam ni Elma yun!'

Ipinakita pa nila kung gaano pa sila ka-sweet matapos ang nangyari kay Sir Geybin, isa na rito ang pagkain nila ng lugaw sa isang karinderya, at kung paano siya inaasikaso ni Mam Elma.

Siyempre pa, umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen. May mga nalungkot, may mga natuwa, subalit may ilan ding nang-okray.

"Honestly, I saw this coming... Yong last na ginawa mo about your anniversary? Yong kanta na Panata.. di ko na sya feel na masaya na kasama ka. Pilit na Ang kanyang mga ngiti. Doon ko naramdaman Ang panghihinayang. But between you both, Im telling you... You will soar higher than him."

"nung nag surprise palang si maam elma kita kona sa mukha ni geybin na napipilitan nalang sya. then yung aura ni maam elma nung naglugaw I feel the heaviness sa itsura nya. Time heals all wounds . loveyouu maam elma."

"forda content hahaha tapos magkakabalikan yan."

"Hindi sumpa ang 7-year itch… test lang kung pipiliin niyo pa rin ang isa’t isa."

"On that 7 years through ups and downs Hindi parin kayo sigurado sa isat Isa. Kakatakot baka mamaya yung girl na na involve sa chismis eh maging gf soon? HAHHA oh no so sad."

Samantala, naglabas na rin ng bersyon ng kaniyang kumpirmasyon ng breakup si Ser Geybin sa kaniyang social media accounts.