Sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang pagsugod sa kaniya sa ospital, nagbigay ng updates ang social media personality na si "Sir Geybin" tungkol sa kaniyang kalagayan, noong Linggo ng gabi, Hunyo 7.
Nag-trending kasi si Sir Geybin hindi dahil sa kaniyang pagkakaospital kundi dahil sa alegasyon ng "cheating issue" sa relasyon nila ng longtime partner na si Elma Asagra o "Mam Elma."
Trending nga ang "Sir Geybin," "Geybin," at "Elma" matapos pag-usapan ng mga netizen online na kaya raw inatake ng depresyon at anxiety ang content creator ay dahil may kinalaman ang umano'y third party sa relasyon nila ni Elma.
Ilang netizens kasi ang naglapag ng umano'y resibo na minsan na nilang umano'y nakitang may ibang babaeng kasama si Sir Geybin habang nasa ibang bansa, at alam nilang hindi ito si Mam Elma.
May mga nagsasabi pang matagal na umanong hiwalay sina Sir Geybin at Elma dahil sa nabanggit na cheating issue.
Isa pang netizen ang nagpakalat sa Threads na umano'y kaya todong nakaramdam ng depresyon si Sir Geybin ay nang mapag-alaman niyang may iba na rin ang kaniyang umano'y "kabit," na ginastusan pa raw niya at binilhan ng sariling bahay, kotse, at luho.
At ang mas juicy pa rito, mukhang ang babaeng sangkot ay mula umano sa pamilya ng politiko sa La Union, dahil ang social media personality pa nga raw ang gumastos sa "kampanya" ng magulang nito.
Maki-Balita: Kaya na-anxiety attack? Ser Geybin, trending dahil sa alegasyon ng 'cheating issue!'
Sa latest video ni Sir Geybin kasama si Mam Elma, inadress na agad niya ang mga akusasyon at sinabing walang katotohanang hiwalay na sila ng karelasyon.
Ipinagdiinan ni Sir Geybin na ang tinutukoy na "Aira" na umano'y kabit niya mula sa La Union ay kaibigan lamang niya, at alam daw ni Elma iyon.
"Guys, hindi po kami naghiwalay," nakangiting paglilinaw ni Sir Geybin.
"Isa pa, doon sa maraming nadadamay, yung bestfriend ko [si Karen], yun daw yung reason kung bakit kami naghiwalay... may anak at asawa na po yun," pagpapaliwanag pa ng social media personality.
Ikinawindang ng dalawa na dahil lang sa throwback photos na magkasama sila, ginamit na ito ng mga netizen para intrigahin ang relasyon nila.
"Tapos yung tropa ko rin sa La Union, si Aira, kung ano-anong lumalabas sa TikTok... guys, tropa po yun, tropa po namin yun... alam ni Elma yun..." giit pa ni Sir Geybin.
Agad daw nilang tinawagan ang mga nadadamay na personalidad dahil hiyang-hiya raw sila sa mga nangyayari, pero buti na lang daw at tinatawanan lang daw nila.
Kaya nakiusap ang magjowang tigilan na ang pang-iintriga sa kanilang dalawa dahil going strong daw ang kanilang relasyon at walang katotohanang naghiwalay na sila at may sangkot na third party.
Maki-Balita: Sir Geybin, isinugod sa ospital; nakatulala, nahirapang huminga, nanigas ang katawan!