Nag-aalala ang mga tagahanga ng content creator na si Gavin Capinpin o mas kilala bilang "Sir Geybin" matapos ibunyag ng kaniyang pamilya na isinugod siya sa ospital dahil sa hirap nitong paghinga at paninigas ng katawan, na ikinabahala ng kaniyang mga mahal sa buhay.
Sa pinakabagong vlog ng Capinpin Brothers, ipinaliwanag ng mga kapatid ni Sir Geybin na sina Allen, Kelzy, si Kalo, at ang longtime partner ni Sir Geybin na si Elma Asagra o "Mam Elma," kung bakit hindi siya napapanood sa kanilang mga content nitong mga nakaraang araw.
Ayon sa kanila, nabigla sila nang silipin si Sir Geybin sa kaniyang kuwarto at makitang nakahiga lamang ito sa kama habang nakatitig sa kisame, tila tulala, nakatirik ang mga mata, at namamanhid ang mga kamay.
Ikinuwento ng mga kapatid na agad nilang tinawagan ang kanilang ina nang makita ang kalagayan ni Sir Geybin. Pagdating umano ng kanilang nanay, nadatnan din nito ang content creator na naninigas ang katawan at nahihirapang huminga.
Dahil sa matinding pag-aalala, agad siyang binuhat ng kanyang mga kapatid upang dalhin sa ospital.
Habang nasa biyahe, sinabi nilang nananatiling conscious si Sir Geybin at nakakagalaw pa naman, ngunit patuloy siyang nahihirapang huminga. Makikita rin sa vlog na minamasahe ng kanyang ina at kapatid ang kanyang mukha upang matulungan siyang kumalma.
Sa ilang bahagi ng video, makikitang emosyonal si Sir Geybin habang gumagamit ng paper bag bilang bahagi ng agarang pagresponde sa kanyang kondisyon.
Pagdating sa ospital, agad siyang isinakay sa wheelchair at inasikaso ng mga medical personnel.
Ayon sa nurse na tumingin sa kanya, nakararanas umano si Sir Geybin ng hyperventilation, isang kondisyon kung saan masyadong mabilis o malalim ang paghinga na maaaring magdulot ng pagbaba ng carbon dioxide level sa katawan.
Sumailalim din siya sa blood tests upang malaman kung may kakulangan sa electrolytes o iba pang posibleng dahilan ng kanyang kondisyon.
EMOSYUNAL NA PAHAYAG NI MAM ELMA
Nagbahagi rin ng kanyang saloobin ang longtime partner ni Sir Geybin na si Mam Elma tungkol sa pinagdaraanag ng social media personality.
Si Mam Elma ay matagal nang bahagi ng mga viral content ng Capinpin Brothers at isa sa mga pinakamalapit na taong sumusuporta kay Sir Geybin sa kaniyang personal na buhay at karera bilang content creator.
Sa kaniyang emosyonal na pagkukuwento, sinabi niyang marami umanong iniisip si Sir Geybin sa mga nakalipas na buwan.
Ayon kay Mam Elma, bagama't palaging nakikitang masayahin si Sir Geybin sa kanilang mga vlog, may mga personal na pinagdaraanan din ito na hindi nakikita ng publiko.
Isa umano sa mabigat na responsibilidad na pasan ni Sir Geybin ay ang pagiging haligi ng kanilang pamilya matapos pumanaw ang kanilang amang si Peddy Capinpin.
Aniya, masaya man si Sir Geybin sa pagtulong sa kaniyang pamilya, hindi pa rin umano nito tuluyang nalalagpasan ang sakit ng pagkawala ng kanilang ama.
Bukod dito, aminado rin umanong naaapektuhan si Sir Geybin ng iba't ibang pressure sa buhay, kabilang na ang mga tanong at inaasahan ng ilan tungkol sa pagpapakasal nila ni Mam Elma.
Gayunman, tiniyak ni Mam Elma sa kaniyang partner na hindi ito dapat mabahala o makaramdam ng sobrang bigat ng responsibilidad.
Pinaalalahanan niya si Sir Geybin na napakaraming tao ang napapasaya nito sa pamamagitan ng kanilang mga vlog at handa silang lahat na maghintay hanggang sa tuluyan itong makarekober.
Sa huli, nanawagan naman silang patuloy na ipagdasal si Sir Geybin upang makasama na nila sa mga susunod na vlogs; at nangako naman ang Capinpin Brothers na patuloy silang gagawa ng content para sa kanilang followers.
SINO ANG CAPINPIN BROTHERS?
Ang Capinpin Brothers ay isa sa mga kilalang pamilya ng content creators sa social media na sumikat dahil sa kanilang mga nakaaaliw, nakakatawa, at madalas ay makabagbag-damdaming family-oriented content.
Sila ay tubong Cabanatuan, Nueva Ecija.
Bukod kay Sir Geybin, kasama niya rin sa vlogs ang mga nakababatang kapatid na sina Allen Capinpin o "Chief Allen" at Kelzy Capinpin" o "Capt. Kelzy."
Milyon-milyon na ang kanilang followers sa iba't ibang social media platforms at isa si Sir Geybin sa mga pangunahing personalidad sa likod ng kanilang mga viral videos. Nagsimula ang kanilang vlog noon pang 2012, kung saan, ang una muna nilang content ay paggawa ng music covers, hanggang sa mag-transition at maging comedy at funny antics na, na relatable naman sa pamilyang Pilipino.
Na-interview na rin sila ni King of Talk Boy Abunda sa kaniyang YouTube channel na "The Boy Abunda Talk Channel" noong 2023.
Naging laman ng balita ang magkakapatid na Capinpin noong unang bahagi ng 2024 matapos nilang sorpresahin ang kanilang inang si Mama Beth Capinpin ng tatlong bagong tayong bahay sa Cabanatuan City bilang pinagsamang regalo para sa kaniyang kaarawan at Pasko.
Sa kabila ng pinagdaraanan, tiniyak naman ng magkakapatid na magpapatuloy sila sa paggawa ng content at pagbibigay ng saya sa kanilang mga tagasubaybay.