Nagkomento ang beauty queen-actress na si Bianca Manalo sa nagaganap na pagsi-ship ng netizens sa tambalang “WinRi” sa kaniyang ex-boyfriend na si Senate President Sherwin “Win” Gatchalian at kay Sen. Risa Hontiveros.
Matatandaan kasing nauna nang aminin ni Gatchalian sa publiko na tila kinikilig din daw siya sa mga pangungulit ng netizens sa tambalan nila ng kapuwa senador na si Hontiveros.
“Syempre kinikilig din dahil na-associate ka sa isang magaling na tao,” ani Gatchalian sa panayam sa kaniya ng isang radio station noong Hunyo 19, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: 'Syempre kinikilig din!' Sen. Win, tiklop sa shipping ng fandom palapit kay Sen. Risa
Sa naging pahayag naman ni Bianca sa panayam sa kaniya ng media noong Lunes, Hunyo 23, sinabi niyang wala raw dahilan para hindi niya suportahan sina Gatchalian at Hontiveros, lalo na raw kung para iyon sa ikauunlad ng bansa.
“Why not?” pagsisimula niya, “Alam mo, kung ikauunlad ng ating bansa ‘yong ginagawa nilang dalawa.”
Ani Bianca, noon pa naman daw talaga tandem sina Gatchalian at Hontiveros partikular mula noong 2023 kung saan pinatumba nila ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Pilipinas.
“Which is noon pa naman talaga. Noon pa sila magka-tandem, noong in-eradicate nila ang POGO, full support ako sa kanilang dalawa,” komento niya.
Dagdag pa niya, “So full support ako sa kanilang dalawa. So why not?”
Pagpapatuloy ni Bianca, palagi raw makukuha ni Gatchalian ang kaniyang buong suporta dahil habambuhay raw niyang ipagmamalaki ang kaniyang ex-boyfriend.
“Up to now, SP Sherwin has my full support and I will be forever proud of him,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon o reaksyon sina Gatchalian at Hontiveros kaugnay rito o maging tungkol sa “WinRi” tandem na itinutulak sa kanila ng netizens.
KAUGNAY NA BALITA: Bianca Manalo, kinokontak pa rin si 'Daddy' Win!
KAUGNAY NA BALITA: Bianca Manalo, proud at may pa-congrats sa ex-jowang si SP Win: 'The country needs you!'