Inispluk ng beauty queen-actress na si Bianca Manalo na kinakausap pa rin daw niya ang kaniyang dating boyfriend na si Senate President Sherwin “Win” Gatchalian kapag may sakit ang kanilang fur babies.
Matatandaang Enero 2026 nang magbigay ng detalye si Gatchalian sa status ng dating relasyon niya sa beauty queen-actress na si Bianca Manalo.
“It’s non-existent,” ito na lang ang nasagot ni Gatchalian nang maurirat siya tungkol sa estado ng kaniyang love-life.
Noon namang Hunyo 18, naging usap-usapan ng netizens ang congratulatory post ni Bianca para kay Gatchalian, matapos na opisyal at pormal na maihalal bilang Senate President ang huli sa ginanap na special session ng Senado noong Hunyo 17.
"Will forever be proud of you!!!! Well deserved! It's about time! The country needs you!!!" saad ni Bianca.
KAUGNAY NA BALITA: Bianca Manalo, proud at may pa-congrats sa ex-jowang si SP Win: 'The country needs you!'
Sa naging bagong pahayag naman ni Bianca sa panayam sa kaniya ng media noong Lunes, Hunyo 22, sinabi niyang mabuti pa rin daw silang magkaibigan ni Gatchalian at may kustodiya pa rin daw sila sa kanilang mga alagang aso.
“Because magkaibigan pa talaga kaming dalawa. We are very good friends. We have custody [of] our three dogs,” pagsisimula niya.
Diin pa niya, “‘Yong dogs namin, para naming mga anak.”
Ani Bianca, kinakausap pa rin daw niya si Gatchalian lalo sa mga panahong nagkakasakit ang mga alaga inilang aso na sina Purdelle, Paprika, o Ferdel.
“Kapag may kailangan or may sakit ‘yong mga aso namin, kinokontak ko pa rin siya na may sakit si Purdelle, may sakit si Paprika, may sakit si [Ferdel],” aniya.
Pagkukuwento ng beauty queen-actress, si Gatchalian pa rin daw ang tumatayong “daddy” sa kanilang fur babies kaya matalik pa rin silang magkaibigan.
“Siya pa din ang tumatayong daddy… Yes, we’re very good friends,” pagtatapos niya.
Naging magkarelasyon sina Bianca at Gatchalian mula noong 2018 at tila tahimik na naghiwalay nitong nagdaang 2025.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Win Gatchalian, pasimpleng kinumpirma hiwalayan nila ni Bianca Manalo?
KAUGNAY NA BALITA: 'Single and not in any relationship!' Sparkle, rumesbak sa 'third-party' isyu ni Bianca Manalo