Ibinahagi sa publiko ni Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara na tila tumalon daw sa pader ng eskwelahan ang dalawang menor de edad na suspek sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte noong Lunes, Hunyo 22, 2026.
Matatandaang binulaga ng pamamaril ng dalawang menor de edad ang naturang paaralan kahapon kung saan tatlong mga mag-aaral ang naitalang nasawi sa shooting.
KAUGNAY NA BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!
Sa naging pahayag naman ni Angara sa pagbisita niya sa San Jose National High School nitong Martes, Hunyo 23, sinabi niyang tinalon ng mga suspek ang bakod ng paaralan para makapasok at gawin ang intensyon nilang pamamaril.
“Mukhang tinalon, e. Tinalon ‘yong bakod,” pagsisimula niya.
Ani angara, dahil daw rito, kailangan nilang ayusin ang physical environment ng naturang paaralan upang mahirapang umakyat ang mga estudyante o iba pang mga indibidwal lalo na raw at maraming tao sa loob ng nasabing lugar.
“I think, siguro aayusin natin ‘yong physical environment na mas mahirap akyatin ito kasi matao ‘yong lugar, e,” aniya.
Diin ni Angara, hindi na lang daw basta sa “peace and order” tumutungkol ang problema kundi pati na rin sa ibang mga salik na nakakaimpluwesya sa mga bata, halimbawa ng mga napapanood nilang karahasan sa pamamagitan ng paggamit ng social media.
“Sa tingin namin, hindi lang siya peace and order problem. Kailangang i-manage din ‘yong mga bata kasi parang exposed sila to a lot of violence online,” paliwanag niya.
Pagkukuwento ni Angara, napag-alaman daw niyang walang mga magulang ang isa sa mga suspek na namaril sa naturang paaralan.
“Marami, wala ng magulang. Ang sabi sa akin ng isang shooter or children conflict with the law, parang ‘yong father nasa ibang probinsya, e, nagtatrabaho,” ‘ika niya.
Pagpapatuloy ni Angara, dahil daw rito, pinayo niya sa mga guro at principal ng binisita niyang paaralan ang kahalagahan ng pangungumusta sa mga bata at pagmamatyag sa mga problema sa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan.
“Mensahe ko dito sa ating mga guro at saka mga pricipal na talagang parang magulang na tayo rito, kinakamusta dapat natin ‘yong mga bata, at tinitingnan kung may aberya, may problema, kumbaga hindi regular ‘yong bata,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, nasa kustodiya na ng Tacloban City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at kapulisan ang dalawang menor de edad na suspek sa shooting incident sa Tacloban.
Nakapiit na ngayon ang naturang mga suspek alinsunod sa child-sensitive protocols at juvenile justice laws habang patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad at pinoproseso ang mga legal na dokumentasyon kaugnay sa naganap na insidente.
KAUGNAY NA BALITA: ''Yong namamaril is something we never thought was applicable'—DepEd Sec. Angara
KAUGNAY NA BALITA: Shooting incident sa Tacloban, pinagplanuhan umano nang isang buwan—PRO-8