Bumuwelta si Sen. Panfilo “Ping” Lacson laban sa naging pahayag ni Sen. Alan Peter Cayetano na isa raw siyang “aso” at idiniin ng naunang ipagdasal ng publiko ang huli upang hindi raw ito makaisip na magpatiwakal.
Matatandaan kasing nauna nang tumirada si Cayetano noong Biyernes, Hunyo 19, na tuta raw ng Palasyo sina Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III at Sen. Raffy Tulfo habang tuta naman daw ng asong si Lacson si Sen. Erwin Tulfo.
“But doon po makikita ‘yong graduated and experienced. Bakit? Kasi si Sen. Tito Sotto and Sen. Raffy Tulfo, at least sila tuta ng Malacañáng,” banat ni Cayetano.
Dagdag pa niya, “Sabi noong iba, kung sasabihin mong tuta, ano si Sen. Lacson? Hindi na po tuta si Sen. Lacson. Aso na po siya.”
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Alan, binirang ‘tuta ng Malacañáng’ si Tito Sen at Sen. Raffy; Sen. Ping, aso raw!
Sa naging tugon naman ni Lacson sa pamamagitan ng pag-reply niya sa naturang balita ng nasaad ni Cayetano noon ding Biyernes, Hunyo 19, pinatutsadahan niyang kawawa naman daw ang huli dahil kung ano-ano na raw ang sinasabi nito.
“Kawawa naman. Kung anu-ano na sinasabi. Parang malapit nang bumigay,” pagsisimula niya.
Ani Lacson, huwag daw sanang tuluyang “mag-meltdown” o matunaw si Cayetano at ipagdasal daw sana ng publiko ang kapuwa senador na huwag maisip na tapusin ang kaniyang buhay.
“Sana hindi matuluyang mag meltdown. Ipagdasal natin na huwag makaisip magpatiwakal,” tirada niya.
Sa karadagan pang reply ni Lacson sa naturang isyu nito namang Sabado, Hunyo 20, hindi raw siya kailanman tatanggapin na isa siyang “aso” at binuwelta niya “Kuya Ping” naman daw ang tawag sa kaniya ni Cayetano, tila raw “self-admission” ang tawag sa turing sa kaniya ng huli.
“ASO? I WILL NEVER ADMIT THAT. Pero, siya - Kuya Ping ang tawag niya sa akin - matagal na… SELF-ADMISSION yata ang tawag dun,” pagtatapos ni Lacson.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si Cayetano kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Magaling naman sila mang-intriga eh!' Sen. Alan, bumanat sa patutsada sa kaniya ni Sen. Ping
KAUGNAY NA BALITA: ₱700 milyong pondo, naaksaya sa liderato ni Sen. Alan—Sen. Ping