July 16, 2026

Home BALITA Politics

₱700 milyong pondo, naaksaya sa liderato ni Sen. Alan—Sen. Ping

 ₱700 milyong pondo, naaksaya sa liderato ni Sen. Alan—Sen. Ping
Photo courtesy: via MB

Binira ni Sen. Ping Lacson ang nagastos umano sa mahigit isang buwan lamang pag-upo ni Sen. Alan Peter Cayetano bilang Senate President.

Sa panayam ng isang radio news program kay Lacson nitong Huwebes, Hunyo 18, 2026, iginiit niyang tinatayang aabot sa ₱700 milyong pondo mula sa buwis ng mamamayan ang nasayang at natapon sa loob lamang sa ilalim ng liderato ni Cayetano.

“Estimated Cost - ₱700M. Output - chaos, gunfire, Bato’s escape despite ICC-issued warrant while under its ‘protective custody’, session boycott, failed destabilization attempt, unauthorized committee hearings highlighted by one not presided nor attended by a single senator. ” ani Lacson.

Tinukoy ng senador ang ilang kontrobersiyang naganap sa gitna ng krisis sa liderato ng Senado, kabilang ang mga sesyong nauwi sa kaguluhan, mga boycott sa plenaryo, at mga pagdinig ng komite na kinuwestiyon ang awtoridad at legalidad.

Matatandaang nahati ang Senado sa magkabilang kampo ni Cayetano at paksyon naman ni Senate President Win Gatchalian matapos ang agawan sa liderato sa pagitan ng mayorya at minorya.

Politics

'Ilalaban ko na ito!' Sen. Alan, haharapin isyu ng 2019 SEA Games laban sa kaniya

Iginiit ni Lacson na ang mga pangyayaring ito ay nagdulot hindi lamang ng kalituhan sa Senado kundi pati na rin ng pagkaantala sa ilang mahahalagang gawain at panukalang dapat sana ay napagtuunan ng pansin ng mga mambabatas.

Noong umaga ng Miyerkules, Hunyo 17, nang tuluyang nagbitiw sa puwesto si Sen. Alan Peter sa pamamagitan ng isang Facebook post. Ayon sa senador, napagtanto na raw niyang may sapat na bilang na ang noo’y Gatchalian bloc matapos niyang makausap si Sen. Joel Villanueva. 

KAUGNAY NA BALITA:  Matapos bitawan pagka-SP: Sen. Alan, 'honored' pa rin maging 'PS!' 

Kasunod nito, tuluyan namang naihalal sa pagiging Senate President si Sen. Gatchalian matapos ang kumpirmadong paglipat ni Sen. Villanueva sa kaniyang paksyon.

Matatandaang umupo si Cayetano bilang Senate President noong Mayo 11 matapos ang matagumpay nilang kudeta laban sa noo’y liderato ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III.  

Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang pahayag na inilalabas si Cayetano laban kay Lacson.