July 23, 2026

Home BALITA National

'Ako pa talagang sinabihan mong sabog?' Rep. Pulong, hinamon ng drug test si SILG Remulla!

'Ako pa talagang sinabihan mong sabog?' Rep. Pulong, hinamon ng drug test si SILG Remulla!
File Photo

Niratrat ni Davao 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla kaugnay sa naging pahayag ng huli noong Huwebes, Hunyo 18, 2026, na baka “sabog” lang daw ang mambabatas mula sa Davao nang marinig ang impormasyon sa paghuli kay Sen. Bong Go at iba pa. 

“Baka sabog siya no'ng na narinig n'ya, wala pa akong nakikitang ganoon eh [ICC warrant],” buwelta ni Remulla. 

Matatandaan kasing inihayag ni Rep. Pulong sa kaniyang Facebook post noong Miyerkules, Hunyo 17, 2026, ang impormasyong nakarating sa kaniya na may arrest warrant na raw ang International Criminal Court (ICC) laban kay Go at dalawa pa raw na dating pulis.

KAUGNAY NA BALITA: 'Baka sabog siya non!' SILG Remulla, itinanggi ICC arrest warrant na sinasabi ni Rep. Pulong

Sa inilabas naman na pahayag ni Rep. Pulong sa kaniyang Facebook post noon ding Huwebes, Hunyo 18, tumirada siya kay Remulla kaugnay sa pagsasabi ng huli na “sabog” siya at idiniin niyang baka raw mas tunay na sabog ang mga indibidwal na nasa Palasyo. 

National

'Kiyapo,' lalakas bilang tropical storm; signal no. 1, nakataas na!

“Ako pa talaga ang sinabihan mong ‘high’ at ‘sabog,’ Secretary Jonvic Remulla? Ako? O baka nagkamali ka lang ng tinutumbok at ang gusto mo talagang sabihin ay iyong mga nasa Malakanyang?” pagsisimula niya.

 

Screenshot mula sa FB post ni Rep. Pulong. 

Dagdag pa niya, “Kung gusto mo talagang malaman kung sino ang ‘high’ at sino ang ‘sabog,’ simple lang naman ang solusyon.” 

Hamon ni Rep. Pulong, magpa-hair follicle drug test daw sila ni Remulla at isama na rin daw ng huli ang “boss” niya pati na rin ang pamilya nito. 

“Magpa-hair follicle drug test tayo. Sama mo na ang boss mo at asawa't anak nya. Para isang testing na lang, tapos ang usapan,” diin niya. 

Pagpapatuloy ni Rep. Pulong, mas mabuti raw na tumingin muna sa salamin si Remulla bago nito sabihin na isa siyang high at sabog. 

“Kaya bago ka muling mamigay ng bansag na ‘high’ at ‘sabog,’ baka mas mabuting tumingin ka muna sa salamin. Baka nandoon ang sagot sa mga tanong mo,” pagtatapos niya.

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag si Remulla kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: Trillanes sa ICC arrest warrant vs Sen. Go: 'Wag kayong magpapaniwala d'yan kay Pulong!'

KAUGNAY NA BALITA: Palasyo, tumirada kay Rep. Pulong; dehins daw 'political weapon' ang ICC!