Nakatakdang umanong kausapin ni bagong Senate President Sherwin “Win” Gatchalian ang mga miyembro ng minority bloc o ang nasa paksyon ng Cayetano bloc na hindi pa rin dumadalo maging sa isinagawang special session ng Kongreso nitong Miyerkules, Hunyo 17, 2026.
Matatandaang mula pa noong Hunyo 1, 2026, hindi nagpakita o dumalo ang mga senador na miyembro Cayetano bloc nang kusang sumuko si Sen. Jinggoy Estrada kaugnay sa kinakaharap niyang kaso sa maanomalyang flood control projects.
KAUGNAY NA BALITA: ‘I stand my ground!’ Sen. Jinggoy, niligawan daw ng minority bloc kapalit ng pag-abswelto sa kaso
Sa naging pahayag naman ni Gatchalian sa panayam sa kaniya ng media sa Senado matapos niyang manumpa bilang bagong Senate President nitong Martes, sinabi niyang lalapit daw sila sa minorya dahil tungkol daw sa 24 na senador ang mataas na kapulungan ng Kongreso.
“Of course we will reach out to the minority. Hindi naman ito majority lang, but it is the Senate who vote of twenty four senators,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “I’ll definitely reach out to all of our colleagues, especially to the minority.”
Samantala, nagpasalamat naman si Gatchalian sa mga kapuwa niya senador na bumoto at nagtiwala sa kaniya para italaga bilang bagong Senate President.
“Nagpapasalamat ako sa ating mga kasamahan sa tiwala na ibinigay nila sa atin. Kita naman natin na tuloy-tuloy ‘yong trabaho. In fact, ‘yong mga bills na matagal nang nakabinbin ay na-tackle ngayon,” aniya.
“Importanteng susunod naman ‘yong Commission on Appointments. May mga limang heneral na naipit din dahil doon sa mga pangyayari,” pagtatapos pa niya.
Habang sinusulat ito, dumalo na sa sesyon ng Senado ang ilang miyembro ng Cayetano bloc partikular sina Sen. Rodante Marcoleta, Sen. Loren Legarda, at Sen. Imee Marcos.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Erwin Tulfo, ‘relieved’ at ‘happy’ sa pagiging SP ni Sen. Win!
KAUGNAY NA BALITA: Matapos bitawan pagka-SP: Sen. Alan, 'honored' pa rin maging 'PS!'