Tila gumaan daw ang pakiramdam at masaya si Sen. Erwin Tulfo sa opisyal na pagkakatalaga kay Sen. Sherwin “Win” Gatchalian bilang bagong Senate President sa ikinasa nilang Congress special session nitong Miyerkules, Hunyo 17, 2026.
Matatandaang opisyal na inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., noong Lunes, Hunyo 15, ang pag-uutos niya na magsagawa ng special session ang Kongreso sa layuning ikonsidera ang pagpapasa ng ilang priority legislative measures na may kinalaman sa social protection at pagpapaganda ng buhay ng mga Pilipino.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, nagpatawag ng Congress special session sa Hunyo 17
Sa ikinasa namang special session ng Senado nitong Miyerkules, Hunyo 17, kung saan dumalo rito ang miyembro ng Cayetano bloc na si Sen. Joel Villanueva dahilan para umabot sa 13 ang bilang ng mga senador, matagumpay na pumalit si Gatchalian kay dating Senate President Alan Peter Cayetano.
Sa naging pahayag naman ni Tulfo sa panayam sa kaniya ng media sa Senado, sinabi niyang ikinagagalak at masaya raw siya na magagawa na nila ang kanilang trabaho dahil kawawa na raw ang taumbayan.
“Relieved and happy kasi magagawa na namin ‘yong trabaho namin. Kawawa ‘yong taumbayan. Kawawang-kawawa,” pagsisimula niya.
Ani Tulfo, wala raw siyang nalalaman sa mga miyembro ng Cayetano bloc na hindi dumalo sa special session ngunit nakakahiya naman daw dahil ang taumbayan ang nagpapasuweldo sa naturang paksyon ng mga senador.
“Hindi ko alam. Problema na nila ‘yon. Sinusuwelduhan sila ng tao, ayaw nilang pumasok. Nakakahiya naman [na] with pay tapos hindi magtatrabaho,” diin niya.
Pagpapatuloy ni Tulfo, bahala na raw ang mga miyembro ng Cayetano bloc kung ibo-boycott ng mga ito ang Senado pero magpapatuloy daw silang bagong majority bloc dahil 13 na raw ang kanilang bilang.
“Nambo-boycott na naman. Bahala sila, mamboycott sila nang mam-boycott. Thirteen kami so we can go on and on,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na bagong pahayag si Cayetano kaugnay sa opisyal na pagiging Senate President ni Gatchalian.
Matatandaang nauna nang inanunsyo ni Cayetano sa kaniyang Facebook post bago magsimula ang special session nitong Miyerkules ang kaniyang opisyal na pagbibitiw sa puwesto bilang Senate President.
KAUGNAY NA BALITA: Matapos bitawan pagka-SP: Sen. Alan, 'honored' pa rin maging 'PS!'