Hindi nagpakita ng anomang pagtanggi sa bagong listahan ng Senate majority bloc ang miyembro ng Cayetano bloc na si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go dahil iyon daw ang nakasaad sa Senate Rules at nagpapakita iyon ng demokrasya.
Pagkatapos ito ng isinagawang special session ng Senado nitong Miyerkules, Hunyo 17, 2026, alinsunod sa pag-uutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa layuning ikonsidera ang pagpapasa ng ilang priority legislative measures na may kinalaman sa social protection at pagpapaganda ng buhay ng mga Pilipino.
Dahil dito, opisyal nang nanumpa bilang bagong Senate President si Sen. Sherwin Gatchalian at nakapagtalaga ang Senado ng listahan ng mga bagong Committee chairmanships sa pangunguna ng majority bloc na binubuo ng 13 na bilang ng mga senador matapos tumiwalag ni Sen. Joel Villanueva sa paksyon ng Cayetano bloc.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Erwin Tulfo, ‘relieved’ at ‘happy’ sa pagiging SP ni Sen. Win!
Sa naging pahayag naman ni Go sa pagdalo niya sa sesyon ng Commission on Appointments sa Senado nito ring Miyerkules, sinabi niyang iyon naman daw talaga ang ipinag-uutos ng Senate Rules, na makalikom ng 13 na bilang ng mga senador bago makapagtalaga ng Senate President.
“Majority rules. ‘Yan naman talaga. This is democracy,” pagsisimula niya.
Ani Go, matagal na raw niyang gustong magtrabaho at unang beses daw sa nagdaang anim na taon ng kaniyang pagiging senador na lumiban siya sa sesyon ng Senado.
Matatandaan kasing nagsimulang hindi pumasok ang mga miyembro ng Cayetano bloc noong Hunyo 1, 2026, matapos na kusang sumuko si Sen. Jinggoy Estrada sa mga awtoridad.
“Ako naman, gusto kong magtrabaho noon pa. Actually wala po akong absent sa first six years ko po sa Senado,” ani Go.
Pagpapatuloy ni Go, magulo na raw ang Senado at kailangan nang magtrabaho ng mga senador para sa mga Pilipino.
“Gusto ko magtrabaho tayo alang-alang na lang po sa mga kababayan natin. Ang gulo na po ngayon. Sana po ay makabalik tayo sa normal nating pamumuhay,” ‘ika niya.
“Nandito po ako ngayon dahil dati na po akong miyembro ng Commission on Appointments. We were advised to attend,” pagtatapos pa ni Go.
Habang sinusulat ito, pumasok na sa Senado ang apat na miyembro ng Cayetano bloc na sina Go, Sen. Loren Legarda, Sen. Rodante Marcoleta, at Sen. Imee Marcos.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Loren sa pagtanggap sa bagong mayorya: '13 na e, noong 12, hindi pa!'
KAUGNAY NA BALITA: SP Win, kokontakin 'di pumapasok na Cayetano bloc!