Pinatutsadahan ni Senate President Alan Peter Cayetano ang 12 na mga senador na nagsagawa ng quorum sa Senado nitong Miyerkules, Hunyo 3, 2026, sa kabila ng hindi pagdalo ng mga miyembro ng majority bloc.
Pagkatapos ito ng naging panggugulat ni Sen. Chiz Escudero sa publiko nang bigla siya dumalo sa sesyon ng Senado at makiisa sa minority bloc para makapagsagawa sila ng quorum at mapalitan ng mga miyembro ng minorya ang chairmanship sa mga Komiteng hawak ng majority bloc.
KAUGNAY NA BALITA: Tawid-bakod na? Sen. Chiz, binulaga plenary session!
Sa naging pahayag ni Cayetano sa isinagawa niyang Facebook live nito ring Miyerkules, magkakasunod na kuwesityon ang kaniyang binato sa 12 na mga senador na nagsagawa ng naturang quorum laban sa kaniya at sa majority bloc.
Ani Cayetano, mistulang tila isang papel na lang ba raw sa mga naturang senador ang Konstitusyon at wala na raw bang maituturing na Senado ang kasalukuyang administrasyon.
“What is the point of going through this? The question we have to ask ourselves is, ‘is the Constitution but a piece of paper to this administration?’” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Has the judiciary ceased to function? Wala na bang Senado? Iyon na po ba ang pananaw ng ating administrasyon?”
Anang Senate President, wala na raw bang maituturing na batas ang naturang 12 na mga senador basta kumampi sa mga ito ang Palasyo.
“Ang tingin ba po ng labindalawang senador ay basta’t kakampi mo ang Malacañáng ay wala nang batas?” buwelta niya.
Diin ni Cayetano, malinaw raw na nakasaad sa Senate Ruling na kinakailangang makabuo ng 13 na mga boto ang mga senador para makapagpalit ng Senate President.
“Kung titingnan n’yo po ang rule 1 and 2 ng Senado, na ayon ito sa Philippine Constitution, na para i-elect ang Senate President at ang Senate President Pro Tempore ay kailangan po [ay] labintatlo,” ‘ika niya.
“Paano po nila aalisin si Senator Loren Legarda kung dose lang po sila?” pagtatapos pa niya.
Matatandaang nagpantay na sa hating 11-11 ang bilang ng mga senador matapos magtago ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa pagtugis ng mga awtoridad dahil sa inisyung warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya habang sumuko naman si Sen. Jinggoy Estrada dahil sa kinasasangkutan ng anomalya sa flood control projects.
Kung magiging opisyal ang paglipat sa minorya ni Escudero, magiging 12-10 na ang bilang ng pagkakahati ng mga senador, at ito rin ang naging basehan nila sa pagsasagawa ng quorum nitong Miyerkules, Hunyo 3, sa kabila ng hindi pagdalo sa sesyon ng majority bloc.
KAUGNAY NA BALITA: Malacañang, kinilala ang 'bagong mayorya' at liderato ni acting SP Gatchalian
KAUGNAY NA BALITA: 'I'm still the legitimate, legal, moral Senate President!'—SP Cayetano