‘TALAGANG NAKAKALUNGKOT’
Hinimay ni dating senador Dick Gordon ang sunod-sunod na mga naganap na kaguluhan sa Senado magmula raw noong maihatid ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa naging pahayag ni Gordon sa panayam sa kaniya ng isang TV station noong Huwebes, Mayo 28, 2026, sinabi niyang tila may “game plan” daw talaga ang kasalukuyan nang majority ng Senado para lituhin ang publiko at mapigilan ang impeachment case ni VP Sara.
“Meron silang game plan. That is to confuse the public and to make sure that they can stop the impeachment,” pagsisimula niya.
Ani Gordon, mantakin daw ng publiko na humigit-kumulang anim na buwang hindi dumalo sa sesyon ng Senado si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa mula noong Nobyembre 2025 at bigla na lang itong nagpakita noong Mayo 11 para maganap ang kudeta.
Matatandaang matagumpay na nakakuha ng 13 na boto si Sen. Alan Peter Cayetano sa naganap na pagpapalit ng liderato sa Senado noong Mayo 11 dahilan para palitan niya sa puwesto si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
KAUGNAY NA BALITA: Cayetano sa mga kapuwa senador: 'Feel free to call me out!'
Diin ni Gordon, si Dela Rosa na rin daw ang nanlaglag kay Cayetano dahil sa sinabi ng una na pinapunta siya ng huli para magkaroon ng pagpapalit ng liderato.
“Siya ang nagsabi. Hinulog niya si Cayetano under the bus. Ang sabi niya, pinapunta siya ni Cayetano para sa ganoon, magkaroon ng reorganization,” ani Gordon.
KAUGNAY NA BALITA: Dela Rosa, nilaglag si Cayetano; pumasok lang para sa kudeta sa Senado
Buwelta ni Gordon, isang grupo lang daw ang mga bumubuo ng majority bloc at gusto raw ng mga ito na protektahan ang kanilang “queen” o si VP Sara sa impeachment case na kinakaharap nito.
“Isang team lang sila, e. Gusto nila to protect their queen. Pagdating doon, alam na nilang aalisin. So kung ano-ano ang pinaggagawa nila. Habulan, sipaan, biglang pumasok ‘yong NBI, NBI is there to perform their lawful duty,” diin niya.
“Later on, gumawa na sila ng kabalbalan,” ‘ika ni Gordon.
Pagkukuwento ni Gordon, hanggang sa sinundan na raw ito ng putukan sa Senado noong Mayo 13 mula sa mga opisyal ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA).
“Biruin mong nagpaputok mismo ‘yong Sergeant-at-Arms ay ang daming media doon. Ang dami-daming tao, ang liit-liit ng Senado,” aniya.
Batikos ni Gordon, hindi raw binantayan ng OSAA ang mga exit ng Senado hanggang sa makatakas si Dela Rosa sa tulong ni Sen. Robin Padilla.
Aniya pa, hindi rin daw nagawang mag-report ng mga miyembro ng majority na nasa Senado rin noon tungkol sa pag-alis ni Dela Rosa para sana malaman ng mga awtoridad at hanapin ang naturang senador sa buong Maynila.
“Samakatuwid, talagang plinano nila pati ‘yong hindi pagre-report, pati ‘yong panggugulo… at ang nangyari talagang nasira na nang nasira ang situation sa Senado,” akusa ni Gordon.
Pagpapatuloy niya, hanggang sa sunod-sunod na raw na mga bangayan, awayan, at sigawan ang nangyari sa Senado na hindi naman daw karapat-dapat.
“Hanggang araw-araw. Pati ‘yong away ni Padilla at saka ni Pangilinan, at ibang nangyayari sa Senado na hindi karapat-dapat. Nagsisigawan at talagang nakakalungkot,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Bastusan na!' Ex-Sen. Dick Gordon, naduduwal sa nagaganap sa Senado