Mariing inalmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang isinusulong na mosyon ng ilang mga senador na amyendahan ang Senate Rules para payagang makaboto at makadalo sa sesyon ang ilan sa kanilang mga miyembro sa pamamagitan ng paggamit ng teleconference o online.
Matatandaang noon pang Mayo 11, 2026, isinusulong ni Sen. Rodante Marcoleta ang naturang mosyon nang biglang magpakitang muli si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa publiko ang maganap ang kudeta sa Senado.
Noong Martes, Mayo 26, napilitang mag-walk out at hindi na tapusin ang plenary session ng mga miyembro ng minorya dahil sa tila minamadali raw na pag-amyenda sa Senate Rules.
KAUGNAY NA BALITA: 'Bakit kailangang madaliin?' Senate minority bloc, nagpaliwanag bakit nag-walk out!
Sa naging pahayag naman ng Pangulo sa panayam sa kaniya ng media sa Japan nitong Biyernes, Mayo 29, sinabi niyang hindi raw siya pumapabor dahil wala na raw sa panahon ng pandemya ang Pilipinas at wala din daw siyang nakikitang magandang rason para isulong naturang mosyon.
“I disagree with that. I understand that we had to do it in COVID because there was a health risk,” pagsisimula niya.
“But I do not see any particular good reason to allow it now,” giit pa niya.
Anang Pangulo, tila pabor lang daw kay Dela Rosa ang isinusulong na amyenda sa Senate Rules para raw makaboto ito habang nagtatago sa mga awtoridad.
“It seems to only be applicable to Senator Bato para makaboto dahil nagtatago siya,” aniya.
Ani PBBM, sa kaniya na rin nanggaling na pugante o fugitive from justice si Dela Rosa dahil patuloy pa rin daw itong tinutugis ng mga awtoridad at nakaambang masilbihan ng inisyung warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).
“As someone who is actually fugitive from justice, na hinahanap ng pulis, na hinahanap ng Interpol, at may arrest warrant galing sa ICC, palagay ko hindi siya dapat bumoto hangga’t dumating siya sa Senado,” ‘ika niya.
Dagdag pa niya, “Kung he’s willing to take the risk like he did the last time ay ibang usapan ‘yon basta’t nandyan siya.”
Pagpapatuloy ni PBBM, matagal na raw na matatag ang tradisyon ng Senado na hindi makakaboto ang isang senador hanggang hindi sila dadalo sa sesyon ng senado sa mismong botohan.
“It has been the long standing tradition of the Senate, that if you are not physically present on the floor when the vote is taken that you cannot in fact vote,” pagtatapos pa niya.
Habang sinusulat ito, hindi pa naman muling nakikita ng publiko ang presensya ni Dela Rosa magmula nang makatakas siya sa mga awtoridad at makaalis sa Senado bandang 2:30 ng madaling-araw noong Mayo 14.
KAUGNAY NA BALITA: 'To protect the queen?' Ex-Sen. Gordon, binuweltang planado ng mayorya gulo sa Senado!
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin kay Sen. Bato: 'Hayaan natin siyang magtrabaho sa pamamagitan ng online!'