Nanindigan si National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na nakahanda raw silang arestuhin si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kapag nahanap na nila ito.
Matatandaang hindi inaprubahan ng Korte Suprema noong Miyerkules, Mayo 20, 2026, ang petisyon ng kampo ni Dela Rosa na maglabas ito ng temporary restraining order (TRO) kaugnay sa inisyung arrest warrant ng International Court (ICC) laban sa huli.
Noon namang Huwebes, Mayo 21, opisyal na inanunsyo ng Department of Justice (DOJ) na “enforceable” daw ang warrant of arrest ng ICC laban kay Dela Rosa, dahilan para magsimulang tugisin ng mga awtoridad ang senador.
Nauna na ng ihayag ni Matibag noon ding Huwebes na aarestuhin nila si Dela Rosa nang walang delay dahil matatawag na umanong “fugitive” o pugante sa batas ang senador.
“Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not because we have to implement the law without fear or favor,” aniya.
KAUGNAY NA BALITA: Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'
Ayon naman sa naging bagong pahayag ni Matibag sa isinagawa nilang press conference nitong Biyernes, Mayo 22, sinabi niyang hindi na raw nila kailangang magpakiramdaman pa at isisilbi nila ang arrest warrant ng ICC kay Dela Rosa.
“There’s no reading between the lines. Simple lang, we will enforce the warrant,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Kapag nakita namin siya, aarestuhin namin siya. Pero hinahanap namin siya ngayon.”
Ani Matibag, maituturing lang daw na problema ang naging protective custody ng Senado dahil may pangako raw itong sila ang maghaharap kay Dela Rosa sa mga awtoridad kapag kailangan na mismong masilbihan ng warrant ang senador, ngunit wala na ito roon.
“That is the problem now. Because ‘yong nangyaring protective custody ng Senate. There was a gentleman agreement, lalaking usapan na kapag kailangan nang i-present si Sen. Bato, the Senate will be the one to present him,” aniya.
Diin pa niya, “Now that there’s no TRO na ibinigay, ibig sabihin, walang status quo ante na binigay, ibig sabihin the warrant is valid and can be enforce.”
Pagtitiyak ni Matibag, patuloy hahanapin ng marami nilang team si Dela Rosa at agad nila itong aarestuhin kapag nakita na nila ito.
“There’s a dedicated team who look after him and we will arrest him basta makita namin siya,” pagtatapos pa niya.
Sa kasalukuyan, hindi na muli pang namataan ng publiko ang presensya ni Dela Rosa nang matagumpay siyang makaalis sa Senado madaling-araw noong Mayo 14, 2026, at sumakay sa Fortuner na puti na napaulat na pagmamay-ari ni Sen. Robin Padilla.
KAUGNAY NA BALITA: PNP Chief Gen. Nartatez, hinikayat sumuko na lang si Dela Rosa
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato, bumaba sa Makati noong madaling-araw ng Huwebes—Sen. Padilla