"Nakakalungkot at nakakahiya na pinagtatawanan ng marami'
Ito ang paglalarawan ni Senador Risa Hontiveros sa nangyari sa loob ng Senado noong Lunes, Mayo 11, sa muling pagpapakita ni Senador Ronald "Bato" dela Rosa, makalipas ang anim na buwan.
Nitong Mayo 11 lang muling nagpakita sa Senado si Dela Rosa sa panahong kumilos ang kaniyang mga kaalyado para patalsikin si Sen. Vincente "Tito" Sotto III bilang Senate President at palitan ni Sen. Alan Peter Cayetano.
Sa pagdating ng senador sa plenaryo, emosyonal niyang ibinahagi sa media na hinarang umano siya upang hindi makadalo sa sesyon ng Senado.
“Hinaharang 'di papasukin sa session. Noong ako'y absent, hinahanap ako ninyo, sumusweldo, hindi nagpapakita. Ngayon, papakita ako dito, hinarang ako. Ni-wrestling ako,” ani Dela Rosa.
Nang tanungin ng media kung bakit biglaang sumulpot si Dela Rosa sa Senado, pagdidiin niya, "This is the Senate! Wala silang respeto sa institusyon ng Senado!”
Hirit pa niya, “I am a senator of this Republic! Kung di ako papasok, hinahanap n'yo ako, ngayon papasok ako tatanungin n'yo ako bakit ako pumapasok.”
Maki-Balita: 'Hinarang ako!' Sen. Bato, galit na sumulpot sa Senado
Kaugnay na Balita: Lockdown, ipinatutupad sa Senado kasunod ng pagbulaga ni Sen. Bato
Sa parehong araw din inilabas sa sesyon ng Senado ang isang CCTV footage kung saan mapapanood ang habulan sa loob ng Senado ni Dela Rosa at mga miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI).
Samantala, nagbigay-reaksyon si Hontiveros nitong Martes, Mayo 12, kaugnay sa mga nangyari sa loob ng Senado.
"Nakakalungkot at nakakahiya na pinagtatawanan ng marami sa ating mga kababayan ang Senado ngayon. Alam kong marami ang nadismaya, nasaktan, at nagalit, at sa totoo lang, naiintindihan ko kung bakit," saad ng Senadora.
"Habulan at taguan sa hagdan. Girian sa pagitan ng mga security at law enforcement personnel. May empleyado ng Senado na nasaktan," dagdag pa niya.
Giit ni Hontiveros, nag-viral ang Senado dahil sa mga maling rason, na nakakaapekto sa lahat.
"The Senate is going viral for the wrong reasons. That affects everything and everyone: majority and minority, Senate employees, and most of all, the work that we do for the Filipino people. Walang panalo sa ganyan," ayon pa sa kaniya.
Nanawagan din ang senadora sa bagong liderato ng Senado, na pinangungunahan na ngayon ni Cayetano, na protektahan ang dignidad at reputasyon ng Senado.
"Nanawagan ako sa bagong liderato ng Senado: We must protect the dignity and reputation of the Senate. Nawawala ang paggalang at tiwala ng taumbayan sa Senado when our powers and traditions are being misused to avoid accountability," panawagan niya. "Ibalik natin ang respeto, ang maayos na proseso, at ang pananagutan sa ating institusyon."
Ika pa niya, "As always, we can disagree. We must challenge each other. But the Senate must not become a mockery in the face of the Filipino people, especially when the public is looking to us to faithfully perform our Constitutional duties."
"Tuloy tayo sa pagsasabi ng totoo. Tuloy sa paghahanap ng sagot sa mga tanong ukol sa katiwalian at di-maipaliwanag na yaman ng mga taong dapat naglilingkod sa bayan. Tuloy ang pagpapanagot sa mga umaabuso sa kapangyarihan. At tuloy ang paninindigan para sa gobyernong nakatuon sa tao, kasama ang tao," pahayag pa ni Hontiveros.
"Hindi tayo tumiklop noon, hindi tayo titiklop ngayon. There is always a way. There is always hope. May krisis ngayon. Ituon natin ang oras at lakas sa mga eksenang may tunay na pakinabang sa taumbayan," pagtatapos niya.
Kaugnay pa rin kay Dela Rosa, kinumpirma ng International Criminal Court (ICC) noon ding Mayo 11 na may arrest warrant sila laban kay Dela Rosa.
“The International Criminal Court confirms that the document published by national authorities of the Republic of the Philippines and circulated in media is indeed a formal ICC document,” saad ng tribunal
Maki-Balita: 'Legit!' ICC, kinumpirma arrest warrant laban kay Dela Rosa