Direktang pinatutsadahan ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro si Vice President Sara Duterte na mag-aral muna raw gumamit ng computer ang huli bago magpakalat ng misinformation na wala nang pondo ang pamahalaan.
Matatandaan kasing inihayag ni VP Sara noong Mayo 6, 2026, na wala na raw pera ang Pilipinas dahil inutusan daw ng Department of Budget and Management (DBM) ang lahat ng opisina ng gobyerno na bilangin ang savings ng mga ito.
“Wala na [pera ang Pilipinas]. Actually, nakatanggap ang aming opisina ng memo na bilangin namin ang savings ng opisina namin. Kasi gustong makita ng DBM kung magkano ang savings ng lahat ng offices ng government. Wala na,” saad ng Bise.
Dagdag pa rito, sinabi rin noon ni VP Sara na hindi hindi raw siya marunong gumamit ng computer at inaasa lang daw siya sa kaniyang mga kasamahan sa opisina ang lahat ng mga dokumentong kailangan nilang gawin.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, ‘di gumagamit ng laptop dahil hindi marunong sa computer?
Ayon naman sa naging pahayag ni Castro nitong Biyernes, Mayo 8, sinabi niyang saka na lang daw niya sasagutin ang nasaad ni VP Sara tungkol sa kaban ng pamahalaan kung mayroon ng ebidensya ang huli.
“Sige hingin n’yo muna ang ebidensya sa kaniya at saka ko sasabihin kapag may ebidensya na siya,” pagsisimula niya.
Ani Castro, puro daw misinformation si Vp Sara kaya mas maganda raw na mag-aral muna itong gumamit ng computer para malaman ang katotohanan.
“Puro misinformation, disinformation, e,” patutsada ni Castro.
“Kaya nga sabi natin, mas magandang mag-aral muna siyang mag-computer para alam naman niya ‘yong katotohanan. Nakakalungkot po ‘yan,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang tugon, reaksyon, o pahayag si VP Sara kaugnay sa nasaad na ito ni Castro.
KAUGNAY NA BALITA: Usec. Claire Castro may ugaling papansin, nagdadala ng kahihiyan—VP Sara
KAUGNAY NA BALITA: 'Baliw ako? Bobo ako?' VP Sara, pinabulaanan pagbato ng laptop kay Atty. Poa