Binigyan ng 10 araw ng Korte Suprema ang mga respondente ng House of Representatives (HOR) upang sagutin ang inihaing Petition for Certiorari and Prohibition ng kampo ni Vice President Sara Duterte, kaugnay sa kaniyang impeachment.
Matatandaan kasing kinumpirma ng kampo ni VP Sara nitong Miyerkules, Abril 8, 2026, ang paghahain nila ng nasabing petisyon sa naturang hukuman kaugnay sa gumugulong na deliberasyon ng House Committee on Justice sa mga impeachment complaints laban sa Bise Presidente.
Anila, hakbang umano nila ito upang linawin ang mahahalaga nilang katanungang nakabatay sa Konstitusyon na kailangan umanong agad na mabigyang-atensyon ng Korte Suprema.
KAUGNAY NA BALITA: Kampo ni VP Sara, kinumpirma paghahain ng Petition for Certiorari and Prohibition sa SC!
Ayon naman sa isinapublikong pahayag ng Korte Suprema nito ring Miyerkules, sinabi nilang na-consolidate o pinagsama-sama na nila ang mga kasong ugnay sa petisyong inihain ng kampo ni VP Sara at may 10 araw lamang ang mga respondente mula sa Kamara na sagutin ang nasabing petisyon.
“The SC consolidated these cases and, without necessarily giving due course to the petitions, directed respondents to comment within a non-extendible period of 10 days from receipt of notice,” pagsisimula nila.
Contributed Photo
Anang Korte Suprema, kinukuwestiyon ng kampo ni VP Sara sa isinumite nilang petisyon ang tila hindi akma sa Konstitusyon na mga pagdinig na isinagawa ng House Committee on Justice na may kaugnay sa impeachment complaints na kinakaharap ng nasabing opisyal.
“The petitions question the constitutionality of the proceedings before the House Committee on Justice in relation to the impeachment complaints filed against Vice President Sara Z. Duterte,” pagtatapos pa nila.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, reaksyon, o tugon ang House Committee on Justice kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: De Lima bumwelta sa kampo ni VP Sara: 'Akala siguro nila 'yong SC ay 'Sara's Court''
KAUGNAY NA BALITA: Ramil Madriaga, pinayagang makadalo sa House Committee on Justice