March 22, 2026

Home BALITA Probinsya

Bulkang Bulusan, itinaas sa Alert Level 1!—Phivolcs

Bulkang Bulusan, itinaas sa Alert Level 1!—Phivolcs
Photo courtesy: MB File Photo

Nagtaas ng alert status ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Bulkang Bulusan mula Alert Level 0 (Normal) patungong Alert Level 1 (Low-level Unrest), ayon sa inilabas na bulletin nitong Linggo, Marso 22, 2026, 12:00 ng tanghali.

Batay sa bulletin ng Phivolcs, pumasok ang Bulkang Bulusan sa yugto ng mababang antas ng pag-aalburuto matapos maitala ang tuloy-tuloy na serye ng pagyanig na nagsimula noong Marso 15.

Umabot na sa kabuuang 475 volcanic earthquakes ang naitala ng Bulusan Volcano Network, na karamihan ay mahihinang volcano-tectonic earthquakes na may kaugnayan sa pagbitak ng mga bato sa mababaw na bahagi ng bulkan.

Ipinakita rin ng ground deformation data mula sa GPS at electronic tilt monitoring ang pamamaga o inflation sa kanlurang bahagi at timog-silangang bahagi ng bulkan mula pa noong huling linggo ng Enero at unang linggo ng Marso.

Samantala, nananatiling mahina hanggang katamtaman ang degassing activity mula sa mga aktibong bunganga, na sinusuportahan ng mababang antas ng sulfur dioxide emission na nasa 91 tonelada kada araw na naitala noong Marso 17.

Probinsya

Babae sa Rizal, nawalan ng malay dahil sa sleeping pills!

Ayon pa sa ahensya, ang mga nasabing indikasyon ay maaaring senyales ng nagaganap na hydrothermal processes sa ilalim ng bulkan na posibleng magdulot ng steam-driven o phreatic eruptions sa alinman sa mga bunganga nito.

Dahil dito, pinaalalahanan ang mga lokal na pamahalaan at publiko na mahigpit na ipagbawal ang pagpasok sa loob ng 4-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ).

Pinaiigting din ang pagbabantay sa loob ng 2-kilometrong Extended Danger Zone (EDZ) sa timog-silangang bahagi dahil sa banta ng pyroclastic density currents, pagbagsak ng bato, ashfall, at iba pang panganib.

Pinapayuhan din ang mga komunidad sa kanlurang bahagi ng bulkan na maghanda sa posibleng pag-ulan ng abo sakaling magkaroon ng phreatic eruption, lalo na para sa mga bulnerableng sektor tulad ng matatanda, buntis, sanggol, at may karamdaman.

Samantala, inabisuhan ang mga piloto na iwasan ang paglipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa panganib na dulot ng abo sa mga sasakyang panghimpapawid. Pinag-iingat din ang mga residente sa paligid ng mga ilog at daluyan ng tubig laban sa posibleng lahar at sediment-laden stream flows sakaling magkaroon ng malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan.

Patuloy na binabantayan ng Phivolcs ang kalagayan ng Bulkang Bulusan at agad na magbibigay ng updates sakaling may mga bagong pag-unlad.

Ang nabanggit na bulkan ay nasa Sorsogon, sa rehiyon ng Bicol.