May 22, 2026

Home BALITA

PNP, pag-iigtingin imbestigasyon sa mga online games related crimes

PNP, pag-iigtingin imbestigasyon sa mga online games related crimes

Ipinag-utos ng Philippine National Police (PNP) na pag-ibayuhin ang kampanya laban sa mga kriminal na gawain na isinasagawa sa pamamagitan ng online gaming platforms.

Ayon kay PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan niya ang Anti-Cybercrime Group na palakasin ang operasyon matapos matukoy ng mga awtoridad na ginagamit umano ang Roblox sa pagsasamantala sa mga menor de edad.

“Our mandate of serving and protecting the people now encompasses cyberspace to keep them safe, especially for children. This is what modern policing also means, and your PNP has been keeping up,” ani Nartatez.

Sinabi ni Nartatez na nakikipagtulungan ang PNP sa Department of Information and Communications Technology (DITC) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) upang imbestigahan ang umano’y ugnayan ng Roblox sa mga ilegal na aktibidad, kabilang ang sexual predation, grooming, at exploitation ng mga menor de edad.

Dagdag niya, hindi lamang Roblox ang tinututukan ng kanilang kampanya kundi maging ang iba pang online gaming at social platforms na posibleng magamit sa mga kahalintulad na krimen.

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

Nauna rito, nakipag-ugnayan ang CICC sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) noong Marso 16 upang palakasin ang kampanya laban sa digital organized crime, partikular ang ilegal na online gambling.

Maaaring sampahan ng kaso ang mga suspek sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act at iba pang krimen gaya ng syndicated estafa.

MAKI-BALITA: Sikat na gaming platform, posibleng i-ban sa bansa dahil sa child abuse cases