Isinapubliko ni Reneir Fetalvo o mas kilala bilang “John Weak” ang kaniyang kasalukuyang medical condition na nakaapekto para tumamlay ang presensya niya sa social media.
Sa latest Facebook post ni John nitong Miyerkules, Marso 18, sinabi niyang malala umano ang kaniyang psoriasis.
Ayon sa website ng V.L. Makabili Memorial Hospital, ang psoriasis ay isang sakit na pinapabilis ang pagbuo ng mga cell sa ibabaw ng balat.
Dahil dito, namumuo at kumakapal tuloy ang balat na parang kaliskis, tuyong patse-patse, kulay pula at kumakati.
“Sa ngayon severe ‘yong psoriasis ko due to stress and pabago-bagong panahon,” saad ni John.
Dagdag pa niya, “Sana gumaling na agad ako haha sorry sa mga clients ko na di ko matapos ang mga deliverables ko kasi di talaga ako maka-move ng ayos dahil dito.”
Sa kabila nito, hindi raw ikinkahiya ni John ang kaniyang sakit dahil hindi naman umano ito nakakahawa.
“[By the way] thank you sa mga taong nagsu-support sa akin and always nandiyan lalo na sa mga naghe-help sa ‘kin. Soon gagaling din ‘to and babalik tayo sa socmed yeahh!” pahabol pa niya.
Matatandaang sumikat si John sa social media nang ibahagi niya ang larawan ng mala-John Wick niyang postura noong Marso 2023, kung kailan ipinalabas ang ikaapat na installment ng action thriller na “John Wick.”