March 21, 2026

Home BALITA Probinsya

Impostor? Lalaking nagpanggap na LET examinee, arestado!

Impostor? Lalaking nagpanggap na LET examinee, arestado!
Photo courtesy: Unsplash


Isang lalaki ang tinimbog ng mga awtoridad sa Pagadian City, Zamboanga del Sur matapos ang umano’y pagpo-proxy nito sa isinagawang Licensure Examination for Teachers (LET) kamakailan.

Ayon sa mga ulat, nabuking ng double-layer identity verification system ng Professional Regulation Commission–Region IX (PRC-IX) at ng room watchers ng Napolan National High School ang hinihinalang impostor, matapos hindi magtugma ang hitsura nito sa isinumite niyang Notice of Admission.

Matapos ang ilang pagtatanong, kalauna’y umamin din siyang hindi siya ang nakarehistrong examinee sa nasabing pagsusulit.

Samantala, lumabas naman sa imbestigasyon ng mga awtoridad na “underage” umano ang suspek, matapos magpakita ang pamilya nito ng isang birth certificate.

Dahil sa kaalamang ito, dinala muna sa City Social Welfare and Development Office ang suspek, habang sinusuri pa ng kinauukulan ang katunayan ng natanggap nilang dokumento.

Tinitingnan din ang posibilidad na masampahan ng kaso ang suspek, pati na rin ang tunay na tao sa likod ng nasabing pagkakakilanlan.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa mga posibleng kasabwat sa naganap na insidente.

Sa kaugnay na ulat, isang LET examinee naman sa Koronadal City ang naging emosyonal matapos umano nitong ma-late ng apat na minuto, dahilan para hindi na siya pahintulutang makuha ang nasabing pagsusulit.

MAKI-BALITA: Sinong may pagkukulang? LET examinee emosyunal, hindi nakakuha ng exam dahil na-late-Balita