Patay ang isang 21-anyos na working student matapos saksakin ng ice pick sa dibdib nang maholdap sa Rodriguez, Rizal.
Kinilala ang biktima na si Jade Kirby Barona.
Batay sa kuha ng CCTV, naglalakad si Barona kasama ang kaniyang babaeng katrabaho sa Pamantasan Road, Kasiglahan Village Area 6, Barangay San Jose bandang 1:00 ng madaling araw nang sundan sila ng tatlong lalaki.
Dalawa sa mga suspek ang lumapit sa kanila habang ang isa ay nagsilbing lookout.
Napaupo ang kasama ng biktima matapos agawin ng mga suspek ang kaniyang bag, at kalaunan ay tumakbo palayo ang dalawa.
“Bigla pong may humatak ng bag ko, tapos nakatutok na sa amin yung patalim po. Paglingon ko po sinabihan ko siya na may tama na po siya,” ayon sa katrabaho ng biktima.
Bago ang insidente, sumakay pa umano ng tricycle pauwi ang dalawa mula sa pinagtatrabahuhang fast food chain ngunit ibinaba sila sa isang madilim na lugar. Habang naglalakad, nakasalubong nila ang tatlong suspek na nasa tabing kalsada at nagkukumpuni umano ng motorsiklo. Humiram pa umano ang mga ito ng flashlight sa biktima.
“Colorum, private, na kulay puti, hindi agad na-identify yung sinakyan,” sabi ni George Francisco, Commanding Chief ng Barangay San Jose Public Safety Office.
Isinugod sa ospital ng isang napadaang tricycle driver ang duguang biktima ngunit binawian din ng buhay dahil sa saksak sa dibdib.
Nakatakda sana ang graduation ni Barona sa kursong Hospitality Management sa Mayo 6. Pinagsabay niya ang pag-aaral at pagtatrabaho upang makatulong sa pamilya at pangarap din niyang maging seaman.
Nanawagan naman ng hustisya ang ama ni Barona.
“Pinapanawagan ko sa pamunuan ng ating kapulisan lalo na sa Montalban, sana mabigyan niyo ng hustisya ang nangyari sa anak ko. Sana bago malibing siya sa February 18, mahuli niyo na po yung gumawa nito, para panatag na rin po kami,” aniya.
Ayon sa Rodriguez Police, nagpapatuloy ang follow-up operations upang matukoy at madakip ang mga suspek.
“Mayroon na tayong lead dito eh, person of interest. Nakita roon sa area prior dun sa nangyaring attempted robbery. They are already on the ground, continuous yung follow-up nila sa kaso na ito. Tinututukan natin, we have visibly pursuing the perpetrator of this gruesome incident. We will surely brought to justice the perpetrator of this heinous crime,” ani Police Colonel Eleazar Ruga Barber Jr., Provincial Director ng Rizal Provincial Police Office.
Pinaigting na rin ng barangay ang seguridad sa lugar upang maiwasan ang kahalintulad na krimen.