January 24, 2026

Home BALITA National

Sen. Bato kung magpapakabato, samahan si FPRRD!—Trillanes

Sen. Bato kung magpapakabato, samahan si FPRRD!—Trillanes
Photo courtesy: File Photo

Pinatutsadahan ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na samahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands kung mahal na mahal daw niya ito. 

Ayon sa naging panayam ng Sa Totoo Lang ng One PH kay Trillanes noong Biyernes, Enero 23, sinabi niyang sumunod na raw si Dela Rosa kay FPRRD sa The Hague, Netherlands. 

“Alam n’yo, kung talagang mahal niya si tatay Digong, ‘di ba, sinabi niya talagang mahal na mahal niya. Ay samahan niya doon,” pagsisimula niya. 

Ani Trillanes, mas hihimbing daw ang tulog ni Dela Rosa kung magkukusa siyang pumunta sa kinaroroonan ng dating Pangulo. 

National

Sen. Estrada sa ₱800 wage hike ng mga kasambahay: 'A great help'

“Mas hihimbing ‘yong tulog niya, mas makakapiling niya ‘yong kapamilya niya kung pumunta na lang siya do’n voluntarily,” aniya. 

Pagpapatuloy ni Trillanes, alam naman umano ni Dela Rosa na sila raw ang nanguna sa kanilang Oplan Tokhang noong panahon ng panunungkulan ng dating Pangulo kaya bakit daw niya iiwan ang kaniyang “tatay-tatayang” mag-isa sa nasabing detention center. 

“Kasi alam naman nilang silang dalawa talaga ‘yong nanguna dito sa Oplan Tokhang na ito. ‘Di ba, e, bakit niya iiwan doon ‘yong tatay-tatayan niya,” saad niya. 

Dagdag pa niya, “Sana ay kung magpapakabato siya, kung magpapakatigas siya, ay ibig sabihin no’n [na] haharapin mo ‘yong mga akusasyon sa ‘yo.” 

Diin pa ni Trillanes, mas mabilis naman daw na makakalaya si Dela Rosa kung mapapatunayang nitong wala siyang pagkakasala o hindi siya lumabag sa human rights violations sa kasagsagan ng war on drugs. 

“Kung palagay mo na wala kang pagkakasala ay ‘di mas mabilis na malitis ‘yong kaso mo. Mas mabilis kang makakalaya. Ganoon lang po ‘yon,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, wala pa namang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag si Dela Rosa kaugnay rito. 

Matatandaang ibinahagi ni Vice President Sara Duterte ang birthday wish umano ng kaniyang amang si FPRRD para sa pagdiriwang ni Dela Rosa ng kaniyang kaarawan noong Miyerkules, Enero 21, 2026. 

MAKI-BALITA: 'Magpakatigas ka na parang bato!' FPRRD, may Bday wish kay Sen. Bato

“Sinabi ko sa kaniya, birthday ni Sen. Bato dela Rosa. Sabi n'ya, 'Happy birthday Senator Bato! Magpakatigas ka na parang bato,” ani VP Sara noong Enero 22, 2026, sa isang panayam sa kaniya habang nasa The Hague, Netherlands. 

MAKI-BALITA: Sen. Bato, 'alive and well' sa kaniyang 64th birthday

MAKI-BALITA: Inspirasyon! Sen. Robin, karangalang katrabaho si 'Birthday Boy' Sen. Bato

Mc Vincent Mirabuna/Balita